17 Alinmang bansang sa ati'y lumaban,tiyak na hahantong sa kapahamakan.Sila'y hahatulan ng Diyos na Panginoon.Pagsapit ng Araw nitong Paghuhukom;sila'y tutupukin, uod ay lilitaw,tatangis sa dusang walang katapusan.”
18 Pagkaraan nito, ang mga tao'y pumunta sa Jerusalem upang sumamba sa Diyos. Nagsipaligo muna sila, saka nag-alay ng mga handog na susunugin, mga kusang-loob na handog at iba pang kaloob.
19 At bilang pag-aalay ng panatang hain sa Diyos, inihandog ni Judith ang lahat ng ari-arian ni Holofernes na ibinigay sa kanya ng mga tao, pati na ang kulambong kinuha niya sa higaan nito.
20 Tumagal ng tatlong buwan ang kanilang pagdiriwang sa Jerusalem, sa harap ng santuwaryo, at si Judith ay nakiisa sa kanila.
21 Nang matapos ang pagdiriwang nagsiuwi na sila. Si Judith nama'y bumalik sa Bethulia at namalagi sa kanyang asyenda. At hanggang sa huling araw ng kanyang buhay, natanyag siya sa buong bansa magmula nang mangyari ang ginawa niyang kabayanihan.
22 Marami ang nanligaw sa kanya subalit hindi na siya nag-asawa pang muli nang mamatay ang asawa niyang si Manases.
23-24 Higit siyang naging tanyag sa paglipas ng panahon at umabot siya ng sandaa't limang taóng gulang. Hindi siya umalis sa tahanan ng kanyang asawa at siya'y namatay sa Bethulia kung saan inilibing siya sa tabi ng puntod ng asawa niyang si Manases. Pitong araw na tinangisan ng Israel ang kanyang pagkamatay. Bago siya namatay, ang mga ari-arian niya'y kanyang ipinamahagi sa mga kamag-anak ni Manases at sa sarili niyang kamag-anakan. Kanya ring pinalaya ang lingkod niyang babae.