1 Nabalitaan ng mga Israelitang naninirahan sa Juda ang tungkol kay Holofernes na punong kawal ni Haring Nebucadnezar, kung paanong sinalakay ng kanyang hukbo ang mga bansa, at winasak ang kanilang mga templo matapos samsamin ang lahat ng magustuhan.
2 Gayon na lamang ang takot nila sa kanya, at lubha silang nabahala, baka gayon din ang gawin sa Jerusalem at sa templo ng Panginoon na kanilang Diyos.
3 Kababalik pa lamang nila mula sa pagkabihag. Noon lamang nila itinalaga ang Templo, ang mga kagamitan nito at ang altar, matapos itong lapastanganin ng kaaway.
4 Kaya nga, nagpasabi sila sa buong Samaria, sa Kona, sa Beth-horon, sa Balmain at sa Jerico, gayon din sa Choba at Esora, hanggang sa kapatagan ng Salem.
5 Ang mga tao ay nagtakda ng mga bantay sa taluktok ng mga burol. Naglagay sila ng mga muog sa mga nayon at nag-imbak ng maraming pagkain bilang paghahanda sa digmaan; katatapos pa lamang nilang mag-ani noon.
6 Nang panahong iyon, si Joakim na pinakapunong pari sa Jerusalem ay sumulat sa mga taga-Bethulia at Bethomestaim, sa kapatagan ng Esdraelon, malapit sa Dotan.