5 Ang mga tao ay nagtakda ng mga bantay sa taluktok ng mga burol. Naglagay sila ng mga muog sa mga nayon at nag-imbak ng maraming pagkain bilang paghahanda sa digmaan; katatapos pa lamang nilang mag-ani noon.
6 Nang panahong iyon, si Joakim na pinakapunong pari sa Jerusalem ay sumulat sa mga taga-Bethulia at Bethomestaim, sa kapatagan ng Esdraelon, malapit sa Dotan.
7 Mahigpit niyang ipinagbilin na bantayang mabuti ang mga lagusang paakyat sa bundok sapagkat madaling mapapasok ang Judea mula rito. Hindi sila mahihirapang humarap sa mga hukbong sasalakay sapagkat sa kipot ng lagusan ay dalawang tao lamang ang nakakaraan.
8 Tinupad naman ng mga Israelita ang utos ni Joakim, gayon din ang pasya ng mga kinatawan ng buong bansang Israel na nagpulong sa Jerusalem.
9 Bawat lalaki ay nagpakumbabá sa harapan ng Diyos, nag-ayuno at taimtim na nanalangin sa kanya.
10 Nagsuot silang lahat ng damit-panluksa, pati ang kanilang asawa, mga anak, bayarang manggagawa, bawat dayuhang nakikipamayan sa kanila, at ang mga alipin nila, pati ang mga alaga nilang hayop.
11 Lahat ng naninirahan sa Jerusalem—lalaki, babae at bata—ay nagpatirapa sa harap ng templo, may abo sa kanilang ulo, at nakadamit-panluksa.