1 Nang tumahimik ang pag-uusap-usap nila, sinabi ni Holofernes kay Aquior at sa lahat ng nagkakatipong Moabita at mga hukbong dayuhan na binubuo ng mga Ammonita,
2 “At sino ka ba, Aquior, ikaw at ang mga kasamahan mong angkan ni Efraim, para magkunwang propeta sa amin, gaya ng ginawa mo ngayon? Bakit mo sasabihing huwag digmain ang Israel sapagkat iingatan sila ng kanilang Diyos? May iba pa bang diyos maliban kay Nebucadnezar? Sa taglay niyang kapangyarihan, maglalaho ang kanilang lahi sa balat ng lupa. Hindi sila maililigtas ng diyos nila.
3 Kaming naglilingkod kay Nebucadnezar ang magpapabagsak sa kanila na parang sila'y iisang tao lamang. Hindi sila makakatagal sa lakas ng aming hukbong nakakabayo.
4 Susunugin namin sila. Dadanak ang masaganang dugo sa kanilang mga burol, at magkakapatung-patong ang mga bangkay nila sa kapatagan. Hindi sila makakapanaig sa amin; sa halip, malilipol silang lahat. Ito ang itinakda ni Haring Nebucadnezar, ang panginoon ng buong sanlibutan. Ito ang sinabi niya at siyang mangyayari.
5 Ikaw naman, Aquior, ikaw na Ammonitang upahan, kataksilan ang sinabi mong ito. Kaya mula ngayon, hindi mo ako makikita hanggang sa mapaghigantihan ko ang lahing ito ng mga takas mula sa Egipto.
6 At pagbabalik ko, ang espada ng aking mga kawal at ang sibat ng aking mga pinuno ang papatay sa iyo, bilang karagdagan sa kanilang mga napatay.
7 Dadalhin ka nila ngayon sa isa sa mga bayan sa kaburulan.