4 Susunugin namin sila. Dadanak ang masaganang dugo sa kanilang mga burol, at magkakapatung-patong ang mga bangkay nila sa kapatagan. Hindi sila makakapanaig sa amin; sa halip, malilipol silang lahat. Ito ang itinakda ni Haring Nebucadnezar, ang panginoon ng buong sanlibutan. Ito ang sinabi niya at siyang mangyayari.
5 Ikaw naman, Aquior, ikaw na Ammonitang upahan, kataksilan ang sinabi mong ito. Kaya mula ngayon, hindi mo ako makikita hanggang sa mapaghigantihan ko ang lahing ito ng mga takas mula sa Egipto.
6 At pagbabalik ko, ang espada ng aking mga kawal at ang sibat ng aking mga pinuno ang papatay sa iyo, bilang karagdagan sa kanilang mga napatay.
7 Dadalhin ka nila ngayon sa isa sa mga bayan sa kaburulan.
8 Gayunman, hindi ka mamamatay hangga't hindi mo natitikman ang aking parusa sa iyo.
9 Kung nakakatiyak kang hindi sila mahuhulog sa aming kamay, huwag kang magmukhang malungkot. Subalit ito ang tandaan mo: magkakatotoo ang lahat ng sinabi ko.”
10 At iniutos ni Holofernes sa kanyang mga tauhang naghihintay sa labas ng tolda na dakpin si Aquior, dalhin sa Bethulia at ibigay sa mga Israelita.