1 Kinabukasan, iniutos ni Holofernes sa kanyang mga hukbo at lahat ng kapanalig na iwan ang kampo at lumusob sa Bethulia upang agawin ang mga lagusang papasok sa kaburulan at salakayin ang mga Israelita.
2 Kaya't humanda silang lahat nang araw na iyon. Ang hukbo'y binubuo ng 170,000 sundalo at 12,000 nakakabayo, hindi pa kabilang dito ang napakalaking pangkat ng mga tagadala ng mga kagamitan.
3 Sila'y nagkampo sa kapatagang malapit sa Bethulia. Ang kampo'y napakalaki; ang luwang ay abot sa Balbaim patungong Dotan at ang haba'y hanggang Ciamon na paharap sa Esdreadan.
4 Nang makita ng mga Israelita ang di mabilang na hukbong sandatahan, naligalig sila. “Lilipulin ng mga taong ito ang buong bayan! Mapupuno sa dami nila ang mga bundok, kapatagan, at burol,” sabi nilang labis na nababahala.
5 Ngunit kahit nababahala, kumuha ng sandata ang mga lalaki, nagsindi ng mga ilawan sa mga tanggulan, at magdamag na nagbantay.
6 Kinaumagahan, pinangunahan ni Holofernes ang kanyang hukbong kabayuhan. Kitang-kita sila ng mga Israelitang nasa Bethulia.
7 Siniyasat niya ang mga lagusan ng bayan at ang mga bukal na iniigiban ng mga Israelita. Nang makitang mapapakinabangan ang mga bukal, inagaw niya ang mga ito. Matapos magtakda ng mga kawal na magbabantay doon, siya'y nagbalik na sa kanyang kampo.