17 Agad niyang ipinatupad ang utos kaugnay nito. Ang pangkat ng mga Moabita ay lumakad kasama ng 5,000 taga-Asiria at nagkampo sa kapatagan. Pinigilan nila ang pagdaloy ng mga bukal na igiban ng mga Israelita.
18 Ang mga Edomita naman at mga Ammonita ay umakyat at nagbantay sa kaburulang nasa itaas ng Dotan. Pinapunta nila ang iba sa gawing timog-silangan papuntang Egrebel, malapit sa Kus sa may ilog ng Mocmur. Sa kapatagan tumigil ang natitirang hukbong Asirio. Malawak ang lugar na iyon at naging napakalaking kampo, halos mapuno ng kanilang mga tolda at mga kagamitan. Talagang napakalaking pangkat!
19 Nang ito'y makita ng mga Israelita, humingi sila ng tulong sa Panginoon na kanilang Diyos. Nasiraan sila ng loob sapagkat napapaligiran sila ng kaaway at wala silang makitang anumang paraan para makaligtas.
20 Hinarangan ng hukbong taga-Asiria ang pasukan at labasan ng mga Israelita sa loob ng tatlumpu't apat na araw. Naroon ang napakaraming sundalo at hukbong nakakabayo, at ang mga nakakarwahe. At naubos nga ang inipong tubig sa bawat tahanan sa Bethulia.
21 Tuyo na rin ang mga balon. Mahigpit ang pagrarasyon ng tubig kaya't hindi nakakasapat sa kanilang pangangailangan.
22 Nanghihina na rin ang mga bata dahil sa matinding uhaw. Nawawalan ng malay sa malabis na kauhawan ang mga babae at kabinataan. Nahahandusay na lamang sa mga lansangan at mga pintuan ang marami dahil sa kauhawan.
23 Ang lahat—kabinataan, kababaihan, at mga bata—ay nagtipon sa harapan ni Uzias at ng mga pinuno ng bayan, at nagsigawan. Ang sabi nila,