19 Nang ito'y makita ng mga Israelita, humingi sila ng tulong sa Panginoon na kanilang Diyos. Nasiraan sila ng loob sapagkat napapaligiran sila ng kaaway at wala silang makitang anumang paraan para makaligtas.
20 Hinarangan ng hukbong taga-Asiria ang pasukan at labasan ng mga Israelita sa loob ng tatlumpu't apat na araw. Naroon ang napakaraming sundalo at hukbong nakakabayo, at ang mga nakakarwahe. At naubos nga ang inipong tubig sa bawat tahanan sa Bethulia.
21 Tuyo na rin ang mga balon. Mahigpit ang pagrarasyon ng tubig kaya't hindi nakakasapat sa kanilang pangangailangan.
22 Nanghihina na rin ang mga bata dahil sa matinding uhaw. Nawawalan ng malay sa malabis na kauhawan ang mga babae at kabinataan. Nahahandusay na lamang sa mga lansangan at mga pintuan ang marami dahil sa kauhawan.
23 Ang lahat—kabinataan, kababaihan, at mga bata—ay nagtipon sa harapan ni Uzias at ng mga pinuno ng bayan, at nagsigawan. Ang sabi nila,
24 “Diyos ang humatol sa atin kung di kayo nakagawa ng napakalaking kamalian sa hindi ninyo pakikipagkasundo sa mga taga-Asiria.
25 Tingnan ninyo, walang tumulong ngayon sa atin. Ipinailalim na tayo ng Diyos sa kanilang kapangyarihan. Mararatnan nila tayong patay bunga ng matinding pagkauhaw, at nakakalat sa buong lupain ang ating mga bangkay.