23 Ang lahat—kabinataan, kababaihan, at mga bata—ay nagtipon sa harapan ni Uzias at ng mga pinuno ng bayan, at nagsigawan. Ang sabi nila,
24 “Diyos ang humatol sa atin kung di kayo nakagawa ng napakalaking kamalian sa hindi ninyo pakikipagkasundo sa mga taga-Asiria.
25 Tingnan ninyo, walang tumulong ngayon sa atin. Ipinailalim na tayo ng Diyos sa kanilang kapangyarihan. Mararatnan nila tayong patay bunga ng matinding pagkauhaw, at nakakalat sa buong lupain ang ating mga bangkay.
26 Sumuko na tayo! Hayaan na nating samsamin ng hukbo ni Holofernes ang lahat ng maibigan nila rito.
27 Mas mabuting magpabihag tayo; kahit tayo'y maging mga alipin ay buháy naman tayo. Hindi tulad nitong nakikita nating unti-unting namamatay ang ating mga anak at asawa.
28 Ang langit at pati na ang lupa ang siyang saksi; ang ating Diyos, ang Diyos ng ating mga ninuno, ang saksi laban sa inyo—pinaparusahan tayo ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan at sa kasalanan ng mga ninuno natin. Nawa'y huwag magkatotoo ang aming babala sa araw na ito.”
29 Pagkasabi niyon, ang buong kapulungan ay nanaghoy nang malakas at tumawag sa Panginoong Diyos.