1 Ang lahat ng nagaganap ay nakarating sa kaalaman ni Judith, anak na babae ni Merari, at apo ni Ox. Si Ox ang anak ni Jose na nagmula sa lahi nina Uziel, Elkias, Ananias, Gideon, Rafaim, Ahitub, Elias, Hilkias, Eliab, Nathanael, Salumiel, Sarasadai at Israel.
2 Ang asawa ni Judith ay si Manases na mula rin sa kanyang lipi at sambahayan. Namatay ito noong panahon ng anihan ng sebada.
3 Sa tindi ng init ng araw, bigla siyang nagkasakit samantalang pinamamahalaan niya ang pagbibigkis ng inaning sebada. Namatay siya sa Bethulia na kanyang bayan. Siya'y inilibing sa piling ng kanyang mga ninuno sa isang bukiring nasa pagitan ng Dotan at ng Balamon.
4 Tatlong taon at apat na buwan nang biyuda si Judith.
5 Nang siya'y mabiyuda, pinalagyan niya ng bubong ang itaas ng kanyang bahay at doon siya namalagi at di nag-aalis ng damit-panluksa.
6 Sa loob ng panahong iyon, nag-aayuno siya araw-araw, maliban kung bisperas ng Araw ng Pamamahinga at kung mismong Araw ng Pamamahinga, kung bisperas ng bagong buwan at kung mismong bagong buwan, at kapag may kapistahan at mga araw ng pagdiriwang ang Israel.