10 tinawag niya ang isang alilang babae na namamahala sa lahat niyang ari-arian. Pinapunta niya ito sa pinuno ng lunsod upang hilingin kina Uzias, Cabris, at Carmis na makipagkita sa kanya.
11 Nang dumating ang mga pinuno, sinabi ni Judith, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko, kayong mga pinuno ng Bethulia. Wala kayong karapatang sabihin sa mga tao at isumpa sa harapan ng Diyos na isusuko ninyo sa kaaway ang lunsod natin kung hindi tutulong ang Panginoon sa loob ng limang araw.
12 Bakit ninyo sinusubok ang Diyos? Itinaas ninyo ang inyong sarili at hindi ang Diyos.
13 Ano't sinusubok ninyo ang Panginoong Makapangyarihan sa lahat? Hindi na ba kayo natuto?
14 Kung ang nasa loob ng isang tao ay di ninyo maunawaan, at di rin ninyo kayang unawain ang pag-iisip ng isang tao, gaano pa kaya ang Lumalang sa tao? Kaya ba ninyong tarukin ang pag-iisip ng Diyos? Hindi, mga kaibigan! Huwag ninyong udyukang magalit ang Panginoon nating Diyos.
15 Pagkat kung ayaw niyang tumulong sa atin sa loob ng limang araw, malaya pa rin niya tayong matutulungan kung kailan niya naisin, o kaya'y maipapasya rin niyang hayaan tayong mapahamak sa kaaway.
16 Hindi ninyo dapat limitahan ang Panginoon nating Diyos; hindi siya maaaring bantaan o pakitunguhang gaya ng isang tao lamang.