17 Kaya, hintayin natin ang kanyang pagliligtas sa atin. Samantala, manalangin tayo sa kanya. Kung kanyang mamarapatin, tutulungan niya tayo.
18 “Wala ni isa man ngayon sa ating lipi o sambahayan, purok o bayan, na sumasamba sa mga diyus-diyosang gawa ng tao bagaman iyon ay ginawa ng ating mga ninuno.
19 Nangyari ito nang nakaraang panahon at siya ngang naging dahilan ng pagkahulog ng ating mga ninuno sa kamay ng kaaway. Sila'y pinatay, sinamsaman ang kanilang lunsod at mga bahay; kahindik-hindik ang pagkawasak nila!
20 Subalit tayo'y walang ibang kinikilala kundi ang Panginoon nating Diyos, at nagtitiwala tayong hindi niya itatakwil ang sinuman sa ating lahi.
21 Sapagkat ang pagkabihag natin ay mangangahulugan ng pagkalipol ng buong Juda at pagkasira ng ating templo. Mananagot tayo sa Diyos kapag iyon ay nilapastangan.
22 Saanman tayo dalhin bilang mga alipin ng mga Hentil, susunod sa atin ang parusa ng Diyos, tulad ng pagkasawi at pagkabihag ng ating mga kababayan, at pagkatiwangwang ng minana nating lupain.
23 Wala tayong mapapala kung susuko't magpapaalipin tayo sa ating mga kaaway; ito'y loloobin ng Panginoon nating Diyos na maging ating kahihiyan.