27 Hindi tayo ipinaiilalim ng Diyos sa mahigpit na kahirapan para subukin ang katapatan tulad ng nangyari sa ating mga ninunong iyon. At hindi rin siya naghihiganti sa atin; manapa'y dinidisiplina niya tayo para ituwid.”
28 At sumagot si Uzias, “Tama ang sinabi mo; totoong lahat ang iyong binanggit, at walang makapagpapabulaan diyan.
29 Hindi lamang ito ang kauna-unahang pagkakataon na pinatunayan mo ang iyong karunungan. Sapul pa sa iyong pagkabata,
30 napatunayan na namin ang matuwid mong paghatol. Subalit nagkakamatay na ang mga tao dahil sa uhaw, kaya't napilitan kaming mangako at sumumpang gayon ang gagawing hakbang.
31 Ikaw ay babaing may takot sa Diyos. Ipanalangin mo kami. Hingin mo sa Panginoon na magpaulan para mapuno ang ating mga balon nang hindi tayo manlupaypay sa kawalan ng tubig.”
32 Sumagot naman si Judith, “Pakinggan ninyo akong mabuti. Ako'y may gagawin at magugunita ito ng lahat ng salinlahi.
33 Magbantay kayo mamayang gabi sa pintuang-pasukan at ako nama'y lalabas na kasama ang aking lingkod. Bago sumapit ang araw na ipinangako ninyo upang isuko sa ating kaaway ang lunsod na ito, ililigtas ng Panginoon ang bansang Israel sa pamamagitan ko.