6 Sa loob ng panahong iyon, nag-aayuno siya araw-araw, maliban kung bisperas ng Araw ng Pamamahinga at kung mismong Araw ng Pamamahinga, kung bisperas ng bagong buwan at kung mismong bagong buwan, at kapag may kapistahan at mga araw ng pagdiriwang ang Israel.
7 Napakaganda at kaakit-akit si Judith. Naiwanan siya ni Manases ng mga ginto at pilak, mga aliping lalaki't babae, bakahan at lupain. Siya ang namamahala sa mga naiwang ari-ariang ito ng kanyang asawa.
8 Walang sinumang makapagpaparatang ng masama kay Judith, sapagkat isa siyang babaing may takot sa Diyos at laging nananalangin.
9 Nang mabalitaan nga ni Judith ang matinding pagrereklamo ng mga tao kay Uzias at sa mga pinuno ng bayan dahil sa kakulangan ng tubig, at kung paanong ipinangako ni Uzias na isusuko na sa mga taga-Asiria ang lunsod pagkalipas ng limang araw,
10 tinawag niya ang isang alilang babae na namamahala sa lahat niyang ari-arian. Pinapunta niya ito sa pinuno ng lunsod upang hilingin kina Uzias, Cabris, at Carmis na makipagkita sa kanya.
11 Nang dumating ang mga pinuno, sinabi ni Judith, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko, kayong mga pinuno ng Bethulia. Wala kayong karapatang sabihin sa mga tao at isumpa sa harapan ng Diyos na isusuko ninyo sa kaaway ang lunsod natin kung hindi tutulong ang Panginoon sa loob ng limang araw.
12 Bakit ninyo sinusubok ang Diyos? Itinaas ninyo ang inyong sarili at hindi ang Diyos.