1 Naglagay si Judith ng abo sa kanyang ulo, binuksan ang damit upang ipakita ang damit-panluksa na suot niya sa ilalim, saka nagpatirapa. Nang mga sandaling iyon, ginaganap ang paghahandog ng panggabing insenso sa templo ng Diyos sa Jerusalem. Malakas na nanalangin si Judith; sabi niya,
2 “Panginoong Diyos ng aking ninunong si Simeon, binigyan po ninyo siya ng tabak upang makapaghiganti sa mga dayuhang dumukot kay Dina, na isang birhen, at sumira sa kanyang damit, pinahiya siya, hinalay, at dinungisan ang kanyang dangal, bagama't ito'y iyong ipinagbabawal.
3 Dahil dito, ibinigay ninyo sa kaaway ang kanilang mga pinuno; sila'y pinatay at natigmak ng dugo sa higaang ginamit nila sa kanilang pagsasamantala sa dalaga. Inyong pinatay ang mga alipin at ang kanilang mga panginoon sa kanilang mga luklukang trono.
4 Hinayaan ninyong maagaw ang mga asawa nila at dalhing-bihag ang kanilang mga anak na dalaga. Ang kanilang kayamanan ay sinamsam at ipinamahagi sa inyong minamahal na mga anak na lalaki na masigasig na naglilingkod sa inyo. Ang mga kapatid ni Dina'y labis na nagulat sa kalapastanganang ito sa kanilang pamilya, kaya't sila'y napasaklolo sa inyo.“O Diyos, aking Diyos, dinggin din ninyo ang samo ko, na isang biyuda.
5 Lahat ng naganap noon, ang nangyayari ngayon, at ang susunod pang magaganap ay pawang may kapahintulutan ninyo. Kayo ang nagbalak ng mga umiiral, gayon din ng mangyayari pa; at ang itinakda ninyo'y nagaganap nga.
6 Ang mga bagay na hinahangad ninyo ay nagsasabi ngayon, ‘Narito na kami.’ Sapagkat handa nang lahat ang inyong mga kapasyahan, at humahatol kayo ayon sa nababatid ninyo mula pa noong una.