5 Lahat ng naganap noon, ang nangyayari ngayon, at ang susunod pang magaganap ay pawang may kapahintulutan ninyo. Kayo ang nagbalak ng mga umiiral, gayon din ng mangyayari pa; at ang itinakda ninyo'y nagaganap nga.
6 Ang mga bagay na hinahangad ninyo ay nagsasabi ngayon, ‘Narito na kami.’ Sapagkat handa nang lahat ang inyong mga kapasyahan, at humahatol kayo ayon sa nababatid ninyo mula pa noong una.
7 Inyong nakikita ang nagkakatipong mga taga-Asiria na nagyayabang dahil sa dami ng kanilang mga hukbong-lakad at nakakabayo, at dahil sa lakas ng taglay nilang mga sandata. Marami nga silang kalasag at sibat, pana't palaso, ngunit di nila kilala ang Diyos na nagpapahinto ng lahat ng digmaan; Panginoon ang inyong pangalan.
8 Igupo ninyo ang kanilang hukbo, at durugin ng inyong galit ang kapangyarihan nila. Sapagkat balak nilang lapastanganin ang inyong templo, na doo'y sinasamba kayo, at tigpasin ang mga hawakan ng inyong altar.
9 Masdan ninyo ang kanilang kapalaluan, ibuhos ninyo sa ulo nila ang inyong poot. Bagama't ako'y isang biyuda lamang, palakasin pa ninyo ako. Upang maisagawa ko ang aking binabalak.
10 Gamitin ninyo ang panlilinlang na sasabihin ko upang sila'y mapuksang lahat— ang alipin kasama ng kanyang panginoon! Ibagsak ninyo ang kanilang kataasan sa pamamagitan ng kamay ng isang babae,
11 sapagkat ang inyong kapangyarihan ay di nasasalig sa dami o sa lakas ng mga tao. Manapa'y kayo ang Diyos ng mapagpakumbabá, tumutulong sa mahihirap, umaalalay sa mahihina, lumilingap sa mga walang kakayahan, at nagliligtas sa mga nawawalan ng pag-asa.