9 Masdan ninyo ang kanilang kapalaluan, ibuhos ninyo sa ulo nila ang inyong poot. Bagama't ako'y isang biyuda lamang, palakasin pa ninyo ako. Upang maisagawa ko ang aking binabalak.
10 Gamitin ninyo ang panlilinlang na sasabihin ko upang sila'y mapuksang lahat— ang alipin kasama ng kanyang panginoon! Ibagsak ninyo ang kanilang kataasan sa pamamagitan ng kamay ng isang babae,
11 sapagkat ang inyong kapangyarihan ay di nasasalig sa dami o sa lakas ng mga tao. Manapa'y kayo ang Diyos ng mapagpakumbabá, tumutulong sa mahihirap, umaalalay sa mahihina, lumilingap sa mga walang kakayahan, at nagliligtas sa mga nawawalan ng pag-asa.
12 Diyos ng aking ninuno, Diyos ng lahing Israel, Panginoon ng langit at lupa, lumikha ng karagatan, hari ng buong mundo—dinggin po ninyo ang aking dalangin.
13 Loobin po ninyong sila'y masugatan at masaktan ng aking mga salitang may pandaraya; sapagkat masama ang binabalak nila sa inyong tipan at banal na tahanan, sa bundok ng Zion, at sa mga tahanang minana ng inyong mga anak.
14 Loobin din po ninyo na maunawaan ng buong bansa at bawat lipi, na kayo ang Diyos na Makapangyarihan at nananaig sa lahat, at walang iba pang makapagsasanggalang sa sambayanan ng Israel kundi kayo lamang.”