15 Ang dibdib at ang hitang binanggit ay dadalhin nila sa altar kasama ng mga tabang susunugin at iaalay bilang natatanging handog kay Yahweh. Pagkatapos, ito'y ibibigay sa inyo. Ang tuntunin na ito ay panghabang panahon, ayon sa utos ni Yahweh.”
16 Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan, natuklasan niyang iyo'y nasunog na. Nagalit siya kina Eleazar at Itamar at ang sabi,
17 “Bakit hindi ninyo kinain sa banal na lugar ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan? Hindi ba ninyo alam na ganap na sagrado iyon at ibinigay sa inyo para kumatawan kayo sa buong bayan ng Israel sa harapan ni Yahweh upang sila'y patawarin niya sa kanilang kasalanan?
18 Sapagkat ang dugo niyon ay hindi dinala sa loob ng santuwaryo, dapat sana'y kinain ninyo roon ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, gaya ng ipinag-utos ko.”
19 Ngunit sumagot si Aaron, “Sa araw na ito'y naghain sila ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin, ngunit ito pa ang aking sinapit. Kung ako ba'y kumain ngayon ng handog para sa kasalanan, ako ba'y magiging karapat-dapat sa paningin ni Yahweh?”
20 Sumang-ayon si Moises sa mga sinabing ito ni Aaron.