6 Gayon din ang dapat gawin ng umupo sa inupuan ng may tulo; lalabhan din ang damit, maliligo at magbibihis at ituturing na marumi hanggang gabi.
7 Ang humawak sa may sakit na tulo ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit, at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
8 Sinumang maduraan ng may ganitong sakit ay dapat ding maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y ituturing na marumi hanggang gabi.
9 Ituturing ding marumi ang upuan na ginamit sa hayop na sinakyan niya.
10 Ang sinumang makahipo sa anumang bagay na kanyang hinigan ay ituturing na marumi. Ang sinumang magdala ng kanyang inupuan ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
11 Ang sinumang mahawakan ng lalaking may sakit na tulo na di muna naghugas ng kamay ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
12 Ang mga sisidlang yari sa putik na mahipo niya ay dapat basagin; kung sisidlang kahoy naman, dapat itong hugasang mabuti.