11 “Ang batang toro ay papatayin ni Aaron at ihahandog para sa kasalanan niya at ng kanyang pamilya.
12 Pagkatapos, kukunin niya ang lalagyan ng insenso at pupunuin ng baga buhat sa altar na sunugan ng handog. Kukuha rin siya ng dalawang dakot na pinulbos na insenso at dadalhin sa loob ng tabing.
13 Upang hindi siya mamatay, ibubuhos niya ang insenso sa apoy sa harapan ko upang ang usok nito ay tumakip sa harap ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan.
14 Kukuha siya ng dugo ng batang toro, at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay iwiwisik ito nang minsan sa harap ng Luklukan ng Awa at pitong beses sa harap ng Kaban ng Tipan.
15 “Pagkatapos, papatayin niya ang kambing bilang handog para sa kasalanan ng sambayanan. Magdadala siya ng dugo nito sa loob ng tabing at gaya ng ginawa niya sa dugo ng batang toro, iwiwisik din niya ito sa harap ng Luklukan ng Awa at sa harap ng Kaban ng Tipan.
16 Sa gayong paraan, lilinisin niya ang Dakong Kabanal-banalan sa mga karumihan at kasalanan ng bayang Israel. Gayon din ang gagawin niya sa Toldang Tipanan na nahawa sa kanilang karumihan.
17 Walang sinumang lalapit sa Toldang Tipanan sa sandaling pumasok doon si Aaron hanggang hindi siya lumalabas pagkatapos niyang maghandog para sa kasalanan niya, para sa kanyang pamilya at para sa kasalanan ng sambayanan.