20 “Kung ang isang lalaki'y sumiping sa kanyang aliping babae na nakatakdang pakasal sa iba ngunit di pa natutubos o napapalaya, dapat itong siyasatin. Hindi sila dapat patayin, sapagkat di pa napapalaya ang aliping babae,
21 ngunit ang lalaki'y magdadala ng isang tupang lalaki bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan. Dadalhin niya ito sa pintuan ng Toldang Tipanan
22 at ihahandog ng pari. Sa gayon, siya'y patatawarin.
23 “Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, tatlong taon kayong hindi kakain ng bunga ng mga punong tanim ninyo roon.
24 Sa ikaapat na taon, ang mga bunga nito'y ihahandog ninyo sa akin bilang pasasalamat.
25 Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga nito, at ang mga ito'y mamumunga nang sagana. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
26 “Huwag kayong kakain ng anumang karneng may dugo. Huwag kayong manghuhula o mangkukulam.