6 Dapat ninyong kainin iyon sa mismong araw na iyo'y inihandog o sa kinabukasan. Kung may matira ay sunugin ninyo.
7 Kung iyon ay kakainin sa ikatlong araw hindi magiging karapat-dapat ang inyong handog.
8 Magkakasala at dapat parusahan ang kakain niyon sapagkat iyon ay paglapastangan sa isang bagay na banal; dapat siyang itiwalag sa sambayanan.
9 “Kung mag-aani kayo sa inyong bukirin, itira ninyo ang nasa gilid, at huwag na ninyong balikan ang inyong naanihan.
10 Huwag ninyong pipitasing lahat ang bunga ng ubasan ni pupulutin man ang mga nalaglag, bayaan na ninyo iyon para sa mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
11 “Huwag kayong magnanakaw, mandaraya, o magsisinungaling.
12 Huwag kayong manunumpa sa aking pangalan kung ito ay walang katotohanan. Iyon ay paglapastangan sa pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh.