6 Pagpipira-pirasuhin ito at bubuhusan ng langis; ito ay isang handog na pagkaing butil.
7 “Kung luto naman sa kawali ang handog na pagkaing butil, kailangang ito'y gawa din sa mabuting uri ng harina at langis ng olibo.
8 Ang mga pagkaing butil na handog kay Yahweh ay dadalhin sa pari; dadalhin naman niya ito sa altar.
9 Kukunin ng pari mula sa handog ang bahaging pang-alaala at susunugin sa ibabaw ng altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh.
10 Ang matitira ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; ito'y ganap na sagrado sapagkat kinuha sa pagkaing handog kay Yahweh.
11 “Huwag kayong maghahandog kay Yahweh ng anumang handog na pagkaing butil na may pampaalsa, sapagkat hindi kayo dapat magsunog ng pampaalsa o pulot kung ito'y ihahandog sa akin.
12 Kung unang bunga naman ng halaman ang inyong ihahandog, huwag ninyo itong susunugin sa altar.