35 “Kung ang isang kababayan ninyo ay naghirap at hindi na niya kayang buhayin ang sarili, kupkupin ninyo siya tulad ng isang dayuhang nakikipamayan sa inyo.
36 Huwag ninyo siyang patutubuan kung siya'y mangutang sa inyo. Matakot kayo sa Diyos, at hayaan ninyo itong mabuhay na kasama ninyo.
37 Huwag ninyong patutubuan ang pera o pagkaing inutang niya sa inyo.
38 Ako si Yahweh, ang inyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa Egipto upang ibigay sa inyo ang Canaan at upang maging Diyos ninyo.
39 “Kung dahil sa labis na kahirapan ay mapilitan ang isang Israelita na ipagbili sa inyo ang kanyang sarili, huwag ninyo siyang ituturing na alipin.
40 Ituring ninyo siyang katulong o dayuhang upahan, at maglilingkod siya sa inyo hanggang sumapit ang Taon ng Paglaya.
41 Pagdating ng panahong iyon, palalayain ninyo siya pati ang kanyang mga anak upang bumalik sa kanyang pamilya at ari-arian.