37 Huwag ninyong patutubuan ang pera o pagkaing inutang niya sa inyo.
38 Ako si Yahweh, ang inyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa Egipto upang ibigay sa inyo ang Canaan at upang maging Diyos ninyo.
39 “Kung dahil sa labis na kahirapan ay mapilitan ang isang Israelita na ipagbili sa inyo ang kanyang sarili, huwag ninyo siyang ituturing na alipin.
40 Ituring ninyo siyang katulong o dayuhang upahan, at maglilingkod siya sa inyo hanggang sumapit ang Taon ng Paglaya.
41 Pagdating ng panahong iyon, palalayain ninyo siya pati ang kanyang mga anak upang bumalik sa kanyang pamilya at ari-arian.
42 Akong si Yahweh ang naglabas sa kanila sa Egipto; hindi sila dapat ipagbili upang maging alipin.
43 Huwag ninyo silang pagmamalupitan; matakot kayo sa Diyos.