12 Dadalhin niya sa pari ang harina. Kukuha naman ito ng sandakot at susunugin sa altar bilang tanda na iyon ay handog kay Yahweh.
13 Ganito ang gagawin ng pari bilang pantubos sa alinmang pagkakasalang nabanggit. Tulad ng handog na pagkaing butil, ang matitira ay para sa pari.”
14 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises,
15 “Kung ang sinuma'y makalimot magbigay ng anumang nauukol kay Yahweh, mag-aalay siya ng handog na pambayad sa kasalanan. Maghahandog siya ng isang lalaking tupa na walang kapintasan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa sukatang itinakda ng santuwaryo.
16 Babayaran niya ang halagang di niya naibigay at magdaragdag pa siya ng ikalimang bahagi nito, at ito'y ibibigay sa pari. Ang tupa'y dadalhin sa pari upang ialay bilang handog na pambayad sa kasalanan, at siya'y patatawarin.
17 “Kung ang sinuma'y makalabag sa alinmang utos ko kahit hindi niya ito nalalaman, siya'y nagkakasala at dapat parusahan.
18 Magdadala siya sa pari ng isang lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog na pambayad sa kasalanan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa halaga ng salapi sa santuwaryo. Ito'y ihahandog ng pari, at patatawarin ang nagkasala.