13 Pinamahala ko ang paring si Selemias, si Zadok na dalubhasa sa Kautusan, at si Pedaias na isang Levita. Pinatulong ko sa kanila si Hanan, anak ni Zacur at apo ni Matanias. Alam kong mapagkakatiwalaan sila na mamahagi ng mga pangangailangan ng kanilang mga kasamahan.
14 Alalahanin po ninyo, Diyos ko, ang mga ginawa kong ito para sa Templo at sa pananambahan doon.
15 Noon ko rin nakita na ang mga taga-Juda ay nagpipisa ng ubas sa Araw ng Pamamahinga. Mayroon din namang mga nagkakarga sa mga asno ng mga trigo, alak, ubas, igos at iba pang bagay, at dinadala sa Jerusalem. Binalaan ko silang huwag magtinda ng anuman sa Araw ng Pamamahinga.
16 Ang mga taga-Tiro na nasa lunsod ay nagdadala naman ng isda at lahat ng uri ng paninda, at sa Araw din ng Pamamahinga nila ipinagbibili sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem.
17 Dahil dito, pinagalitan ko ang mga namumuno sa Juda. Pinagsabihan ko sila, “Masama ang ginagawa ninyong ito. Nilalapastangan ninyo ang Araw ng Pamamahinga.
18 Ito mismo ang dahilan kaya pinarusahan ng Diyos ang inyong mga ninuno at winasak ang lunsod na ito. Lalo ninyong ginagalit ang Diyos sa ginagawa ninyong paglapastangan sa Araw ng Pamamahinga!”
19 Kaya't iniutos kong mula noon, pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, ang mga pintuan ng lunsod ay sarhan bago lumubog ang araw at huwag bubuksan hanggang hindi natatapos ang araw na iyon. Pinabantayan ko sa aking mga tauhan ang mga pintuan upang matiyak na walang anumang panindang maipapasok sa Araw ng Pamamahinga.