13 Ang Pintuan ng Libis hanggang sa pintuang papunta sa tapunan ng basura ay itinayo ni Hanun at ng mga taga-Zanoa. Sila rin ang nag-ayos ng mga pinto at ng mga bakal na pangkandado. May 450 metro ang haba ng pader na inayos nila.
14 Ang pintuang papunta sa tapunan ng basura ay inayos ng anak ni Recab na si Malquias, pinuno ng distrito ng Beth-hakerem. Siya rin ang naglagay ng mga pinto at ng mga bakal na pangkandado.
15 Ang nag-ayos ng Pintuan ng Bukal ay ang anak ni Colhoze na si Sallum, pinuno ng distrito ng Mizpa. Binubungan niya ito at nilagyan ng mga pintuan at mga bakal na pangkandado. Inayos din niya ang pader ng Ipunan ng Tubig ng Sela, patungo sa halamanan ng hari hanggang sa makababa ng hagdanan mula sa Lunsod ni David.
16 Mula naman doon hanggang sa tapat ng libingan ni David, tipunan ng tubig at ng himpilan ng mga bantay, ang nag-ayos ay ang anak ni Azbuk na si Nehemias, pinuno ng kalahating distrito ng Beth-sur.
17 Ito naman ang mga Levitang nagtayo ng mga kasunod na bahagi ng pader:Si Rehum na anak ni Bani ang gumawa ng kasunod na bahagi.Ang sumunod na bahagi ay ginawa ni Hashabias, pinuno ng kalahating distrito ng Keila.
18 Ang anak ni Henadad na si Bavai, pinuno ng kalahating distrito ng Keila ang siya namang gumawa ng kasunod na bahagi.
19 Ang gumawa naman ng kasunod na bahagi ay ang anak ni Jeshua na si Ezer, pinuno ng Mizpa. Siya ang gumawa ng bahaging paakyat hanggang sa tapat ng taguan ng mga sandata.