9 “Mali ang inyong ginagawa,” patuloy ko. “Dapat kayong matakot sa Diyos at gumawa nang mabuti upang hindi tayo hamakin ng mga pagano.
10 Ang mga kababayan nating nagigipit ay pinahiram ko na ng salapi at pagkain. Ganoon din ang ginawa ng aking mga kamag-anak at mga tauhan. Huwag na natin silang pagbayarin ng interes ng kanilang pagkakautang.
11 Ngayon di'y ibalik ninyo ang mga bukirin at ubasan sa mga may utang sa inyo, pati ang kanilang mga taniman ng olibo, at tahanan. Ibalik din ninyo ang naging interes ng perang ipinahiram ninyo, gayundin ang mga trigo, alak at langis na ipinahiram ninyo sa kanila.”
12 “Ibabalik namin ang lahat ng iyon sa kanila,” sagot nila. “Hindi na namin sila sisingilin. Tutuparin namin ang hinihingi mo.” Ipinatawag ko ang mga pari at pinanumpa sa harap nila ang mga pinuno upang tuparin ng mga ito ang kanilang pangako.
13 Ipinagpag ko ang aking kasuotan at sinabi ko, “Ganyan nawa ang gawin ng Diyos sa mga ari-arian ng mga taong hindi tumupad sa kanyang pangako. Ipagpag din sana silang tulad nito at maghirap.”Lahat ng naroo'y sumang-ayon at sinabi, “Mangyari nawa ang sinabi ninyo.” Pinuri nila si Yahweh at tinupad ng mga tao ang kanilang pangako.
14 Sa loob ng labindalawang taon na naglingkod ako bilang gobernador ng Juda, mula nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaxerxes hanggang ika-32 taon, ako, ni ang aking mga kamag-anak ay hindi kumain ng pagkaing nauukol sa gobernador.
15 Ang mga naunang gobernador sa Juda ay naging pabigat sa mga tao na hinihingan nila ng pagkain at ng alak bukod pa sa apatnapung pirasong pilak. Maging ang mga katulong nila'y katulong din sa pagpapahirap. Ngunit hindi ko ginawa iyon, sapagkat ako'y may takot sa Diyos.