1 Natapos ang pader ng lunsod at naikabit na ang mga pintuan nito. May itinalaga na ring mga bantay, mga mang-aawit, at mga Levita.
2 Pagkatapos nito, ang Jerusalem ay inilagay ko sa pamamahala ng dalawang kalalakihan, si Hanani na aking kapatid at si Hananias na pinuno ng mga bantay sa kuta. Si Hananias ay mapagkakatiwalaan at malaki ang takot sa Diyos kaysa iba.
3 Iniutos kong ang mga pintuan ng Jerusalem ay bubuksan lamang kapag mataas na ang araw, isasara at ikakandado agad paglubog ng araw bago magpahinga ang mga bantay. Iniutos ko ring maglagay sila ng mga bantay-pintuan na taga-Jerusalem. Itinalaga nila ang ilan sa mga ito sa mga bantayan at ang iba nama'y sa malapit sa kani-kanilang bahay.
4 Bagama't malaki ang lunsod ng Jerusalem, kakaunti pa lamang ang mga tao dito at hindi pa nagagawang lahat ang mga bahay.
5 Pinangunahan ako ng Diyos upang tipunin ang mga tao at ang kanilang mga pinuno at mga hukom para suriin ang listahan ng kanilang mga angkan. Natagpuan ko ang listahan ng mga angkan na unang nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonia.
6 Ito ang mga Judiong nabihag ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at muling nakabalik sa Jerusalem at sa kani-kanilang bayan sa Juda: