13 Nang sumunod na araw, nagtipon sa harapan ni Ezra ang mga pinuno ng mga angkan kasama ang mga pari at mga Levita upang pag-aralan ang mga turo ng Kautusan.
14 Natuklasan nila sa Kautusan na nagbigay si Yahweh ng utos kay Moises tungkol sa Pista ng mga Tolda. Sinabi sa utos na dapat silang tumira ng pansamantala sa mga kubol sa kapistahang iyon.
15 Kaya't nagpalabas sila ng utos para sa mga taga-Jerusalem at iba pang mga lunsod at bayan: “Lumabas kayo sa mga burol at pumutol ng mga sanga ng punong olibo, ligaw man o hindi, mirto, palma at iba pang punongkahoy na maraming dahon upang gawing mga kubol.”
16 Sinunod nga nila ang utos. Gumawa sila ng kubol sa kani-kanilang bubungan at bakuran, at sa palibot ng Templo. Gumawa rin sila ng mga kubol sa liwasan sa pagpasok sa Pintuan ng Tubig at sa Pintuan ni Efraim.
17 Ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng kanya-kanyang kubol at doon sila tumira. Iyon ang unang pagkakataon na ginawa ito ng mga Israelita mula noong panahon ni Josue na anak ni Nun. Masayang-masaya ang lahat.
18 Ang Aklat ng Kautusan ay binabasa araw-araw, mula sa unang araw hanggang katapusan. Pitong araw silang nagpista at sa ikawalong araw ay nagkaroon sila ng isang banal na pagtitipon bilang pagtatapos ayon sa itinatakda ng Kautusan.