4 Nakatayo si Ezra, ang tagapagturo ng Kautusan, sa isang entabladong kahoy na sadyang ginawa para sa pagkakataong iyon. Sa kanan niya'y nakatayo sina Matitias, Sema, Anaya, Urias, Hilkias at Maaseias. Sa gawing kaliwa nama'y naroon sina Pedaias, Misael, Malquias, Hasum, Hasbadana, Zacarias at Mesulam.
5 Si Ezra ay nakikita ng lahat sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat.
6 “Purihin si Yahweh, ang dakilang Diyos!” sabi ni Ezra.Itinaas naman ng mga tao ang kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.” Nagsiyuko rin sila at sumamba kay Yahweh.
7 Pagkatapos, tumayo ang mga tao, at ang Kautusa'y ipinaliwanag sa kanila ng mga Levitang sina Jeshua, Bani, Serebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maaseias, Kelita, Azarias, Jozabad, Hanan at Pelaias.
8 Binasa nila ang Kautusan ng Diyos at isinalin ito sa kanilang wika at ipinaliwanag ito upang maunawaan ng mga tao.
9 Nang malaman ng mga tao ang dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang kalooban at sila'y umiyak. “Ang araw na ito ay banal para kay Yahweh na inyong Diyos, kaya't huwag kayong malungkot o umiyak,” wika ni Nehemias na gobernador, ni Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag ng Kautusan. Sinabi nila sa mga tao,
10 “Umuwi na kayo at magdiwang, kumain kayo at uminom ng bagong alak! Bigyan ninyo ang mga walang pagkain at inumin sapagkat ang araw na ito ay banal para kay Yahweh, kaya huwag kayong malungkot. Ang kagalakang dulot ni Yahweh ang magpapalakas sa inyo.”