1 Noong ika-24 na araw ng buwan ding iyon, nagtipon ang mga Israelita upang mag-ayuno. Nagsuot sila ng damit-panluksa at naglagay ng abo sa kanilang ulo upang ipahayag ang pagsisisi sa kanilang mga kasalanan.
2 Lumayo sila sa mga dayuhan. Tumayo sila upang ipahayag ang kanilang mga kasalanan at ng kanilang mga ninuno.
3 Nanatili silang nakatayo sa kanilang kinaroroonan sa loob ng tatlong oras samantalang binabasa sa kanila ang Kautusan ni Yahweh na kanilang Diyos. Pagkatapos, tatlong oras din silang nagpahayag ng kanilang mga kasalanan at sumamba kay Yahweh na kanilang Diyos.
4 Noo'y nasa isang entablado ang mga Levitang sina Jeshua, Bani, Kadmiel, Sebanias, Buni, Serebias, Bani at Kenani at nananalangin nang malakas kay Yahweh na kanilang Diyos.
5 Sina Jeshua, Kadmiel, Bani, Hasabneias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petahias ay nanawagan sa mga tao upang sumamba. Sabi nila:“Tumayo tayo at purihin ang Diyos nating si Yahweh.Purihin siya ngayon at magpakailanman!Purihin ang kanyang dakilang pangalan,na higit na dakila sa lahat ng papuri!”
6 At ang lahat ay sama-samang nanalangin ng ganito:“Yahweh, ikaw lamang ang Panginoon;ikaw ang lumikha ng kalangitanat ginawa mo ang lupa, ang langit ng mga langit,ang lahat ng bituin doon, at lahat ng narito;ang dagat at ang lahat ng naroroon.Binibigyang buhay mo sila,at ika'y sinasamba ng buong kalangitan.