1 At paglabas niya sa templo, ay sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, Guro, masdan mo, pagkaiinam ng mga bato, at pagkaiinam na mga gusali!
2 At sinabi ni Jesus sa kaniya, Nakikita mo baga ang malalaking gusaling ito? walang matitira ditong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato na di ibabagsak.
3 At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo sa tapat ng templo, ay tinanong siya ng lihim ni Pedro at ni Santiago at ni Juan at ni Andres,
4 Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda pagka malapit ng maganap ang lahat ng mga bagay na ito?
5 At si Jesus ay nagpasimulang magsabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong paligaw kanino mang tao.
6 Maraming paririto sa aking pangalan, na magsisipagsabi, Ako ang Cristo; at maliligaw ang marami.
7 At kung mangakarinig kayo ng mga digma at ng mga alingawngaw ng mga digma, ay huwag kayong mangagulumihanan: ang mga bagay na ito'y dapat na mangyari: datapuwa't hindi pa ang wakas.
8 Sapagka't magtitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at lilindol sa iba't ibang dako; magkakagutom: ang mga bagay na ito'y pasimula ng kahirapan.
9 Datapuwa't mangagingat kayo sa inyong sarili: sapagka't kayo'y ibibigay nila sa mga Sanedrin; at kayo'y hahampasin sa mga sinagoga; at kayo'y magsisitindig sa harap ng mga gobernador at ng mga hari dahil sa akin, na bilang patotoo sa kanila.
10 At sa lahat ng mga bansa ay kinakailangan munang maipangaral ang evangelio.
11 At pagka kayo'y dinala sa harap ng mga kapulungan, at kayo'y ibigay, ay huwag kayong mangabalisa kung ano ang inyong sasabihin: datapuwa't ang ipagkaloob sa inyo sa oras na yaon, ay siya ninyong sabihin; sapagka't hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo.
12 At ibibigay ng kapatid sa kamatayan ang kapatid, at ng ama ang kaniyang anak; at magsisipaghimagsik ang mga anak laban sa mga magulang, at sila'y ipapapatay.
13 At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan: datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas.
14 Nguni't pagkakita ninyo ng kasuklamsuklam na paninira, na nakatayo doon sa hindi dapat niyang kalagyan (unawain ng bumabasa), kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea:
15 At ang nasa bubungan ay huwag bumaba, ni pumasok, upang maglabas ng anoman sa kaniyang bahay:
16 At ang nasa bukid ay huwag magbalik upang kumuha ng kaniyang balabal.
17 Datapuwa't sa aba ng nangagdadalangtao at ng nangagpapasuso sa mga araw na yaon!
18 At magsipanalangin kayo na ito'y huwag mangyari sa panahong taginaw.
19 Sapagka't ang mga araw na yaon ay magiging kapighatian, na ang gayo'y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng paglalang na nilikha ng Dios hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man.
20 At malibang paikliin ng Panginoon ang mga araw, ay walang laman na makaliligtas; datapuwa't dahil sa mga hirang, na kaniyang hinirang, ay pinaikli niya ang mga araw.
21 At kung magkagayon kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito, ang Cristo; o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan:
22 Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, upang mailigaw nila, kung mangyayari, ang mga hirang.
23 Datapuwa't mangagingat kayo: narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo ang lahat ng mga bagay.
24 Nguni't sa mga araw na yaon, pagkatapos ng kapighatiang yaon, ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag,
25 At mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit.
26 At kung magkagayo'y makikita nila ang Anak ng tao na napariritong nasa mga alapaap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.
27 At kung magkagayo'y susuguin niya ang mga anghel, at titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa wakas ng lupa hanggang sa dulo ng langit.
28 Sa puno nga ng igos ay pag-aralan ninyo ang kaniyang talinghaga: pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tagaraw;
29 Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.
30 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.
31 Ang langit at ang lupa ay lilipas: datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.
32 Nguni't tungkol sa araw o oras na yaon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama.
33 Kayo'y mangagingat, mangagpuyat at magsipanalangin: sapagka't hindi ninyo nalalaman kung kailan kaya ang panahon.
34 Gaya ng isang tao na nanirahan sa ibang lupain, na pagkaiwan ng kaniyang bahay, at pagkabigay ng kapamahalaan sa kaniyang mga alipin, sa bawa't isa'y ang kaniyang gawain, ay nagutos din naman sa bantay-pinto na magpuyat.
35 Mangagpuyat nga kayo: sapagka't hindi ninyo nalalaman kung kailan paririto ang panginoon ng bahay, kung sa hapon, o sa hating gabi, o sa pagtilaok ng manok, o sa umaga;
36 Baka kung biglang pumarito ay kayo'y mangaratnang nangatutulog.
37 At ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Mangagpuyat kayo.