16 Nguni't ngayon ay nagnanasa sila ng lalong magaling na lupain, sa makatuwid baga'y ang sa langit: kaya hindi sila ikinahihiya ng Dios na tawaging Dios nila; sapagka't kaniyang ipinaghanda sila ng isang bayan.
17 Sa pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay inihandog si Isaac: oo, siyang tumanggap na may galak ng mga pangako ay siyang naghandog sa kaniyang bugtong na anak;
18 Sa makatuwid baga'y yaong pinagsabihan, Kay Isaac ay tatawagin ang iyong binhi:
19 Na inisip na maging sa gitna ng mga patay ay maaaring buhayin siyang maguli ng Dios; mula diyan din naman ay muli siyang tinanggap sa isang halimbawa.
20 Sa pananampalataya'y binasbasan ni Isaac si Jacob at si Esau, tungkol sa mga bagay na darating.
21 Sa pananampalataya, si Jacob ng mamatay na ay binasbasan niya ang bawa't isa sa mga anak ni Jose; at sumambang nakatangan sa puno ng kaniyang tungkod.
22 Sa pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose, ay binanggit niya ang pagalis sa Egipto ng mga anak ni Israel; at nagutos tungkol sa kaniyang mga buto.