1 Sapagka't ang bawa't dakilang saserdote palibhasa'y hinugot sa mga tao, ay inilagay dahil sa mga tao sa mga bagay na nauukol sa Dios, upang siya'y makapaghandog ng mga kaloob at mga hain namang patungkol sa mga kasalanan:
2 Na makapagtitiis na may kaamuan sa mga di nakaaalam at nangamamali, yamang siya rin naman ay nalilibid ng kahinaan;
3 At dahil dito'y nararapat siyang maghandog dahil sa mga kasalanan, at hindi lamang patungkol sa mga tao, kundi naman sa kaniyang sarili.
4 At sinoman ay hindi tumatanggap sa kaniyang sarili ng karangalang ito, liban na kung tawagin siya ng Dios, na gaya ni Aaron.
5 Gayon din si Cristo man ay hindi nagmapuri sa kaniyang sarili upang maging dakilang saserdote, kundi yaong sa kaniya ay nagsabi, Ikaw ay aking Anak. Ikaw ay aking naging anak ngayon:
6 Gaya rin naman ng sinasabi niya sa ibang dako, Ikaw ay saserdote magpakailan man Ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
7 Na siya sa mga araw ng kaniyang laman ay naghandog ng mga panalangin at mga daing na sumisigaw ng malakas at lumuluha doon sa may kapangyarihang makapagligtas sa kaniya sa kamatayan, at siya'y dininig dahil sa kaniyang banal na takot,
8 Bagama't siya'y Anak, gayon may natuto ng pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis;
9 At nang siya'y mapaging sakdal, ay siya ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan ng lahat na mga nagsisitalima sa kaniya;
10 Pinanganlan ng Dios na dakilang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
11 Tungkol sa kaniya'y marami kaming sasabihin, at mahirap na saysayin, palibhasa'y nagsipurol kayo sa pakikinig.
12 Sapagka't nang kayo'y nangararapat nang maging mga guro dahil sa kaluwatan, ay muling kayo'y nangangailangan na kayo'y turuan ninoman ng mga unang simulain ng aral ng Dios; at naging tulad sa mga nangangailangan ng gatas, at hindi ng pagkaing matigas.
13 Sapagka't bawa't tumatanggap ng gatas ay walang karanasan sa salita ng katuwiran; sapagka't siya'y isang sanggol.
14 Nguni't ang pagkaing matigas ay sa mga may gulang, sa makatuwid ay doon sa mga sa pamamagitan ng pamimihasa ay nangasanay ang kanilang mga pakiramdam, upang makilala ang mabuti at ang masama.