1 Sinasabi ko ang katotohanang na kay Cristo, na hindi ako nagsisinungaling, na ako'y sinasaksihan ng aking budhi sa Espiritu Santo,
2 Na mayroon akong malaking kalungkutan at walang tigil na karamdaman sa aking puso.
3 Sapagka't ako'y makapagnanasa na ako man ay itakuwil mula kay Cristo dahil sa aking mga kapatid, na aking mga kamaganak ayon sa laman.
4 Na pawang mga Israelita; na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagbibigay ng kautusan, at ang paglilingkod sa Dios, at ang mga kapangakuan;
5 Na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang Cristo ayon sa laman, na siyang lalo sa lahat, Dios na maluwalhati magpakailan man. Siya nawa.
6 Datapuwa't hindi sa ang salita ng Dios ay nauwi sa wala. Sapagka't hindi ang lahat ng buhat sa Israel ay mga taga Israel:
7 Ni sapagka't sila'y binhi ni Abraham, ay mga anak na silang lahat: kundi, Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi.
8 Sa makatuwid, ay hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Dios: kundi ang mga anak sa pangako'y siyang ibibilang na isang binhi.
9 Sapagka't ito ang salita ng pangako, Ayon sa panahong ito'y paririto ako, at magkakaroon si Sara ng isang anak na lalake.
10 At hindi lamang gayon; kundi nang maipaglihi na ni Rebeca sa pamamagitan ng isa, ito nga'y ng ating ama na si Isaac-
11 Sapagka't ang mga anak nang hindi pa ipinanganganak, at hindi pa nagsisigawa ng anomang mabuti o masama, upang ang layon ng Dios ay mamalagi alinsunod sa pagkahirang, na hindi sa mga gawa, kundi doon sa tumatawag,
12 Ay sinabi sa kaniya, Ang panganay ay maglilingkod sa bunso.
13 Gaya ng nasusulat, Si Jacob ay inibig ko, datapuwa't si Esau ay aking kinapootan.
14 Ano nga ang ating sasabihin? Mayroon baga kayang kalikuan sa Dios? Huwag nawang mangyari.
15 Sapagka't sinasabi niya kay Moises, Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan, at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.
16 Kaya nga hindi sa may ibig, ni hindi sa tumatakbo, kundi sa Dios na naaawa.
17 Sapagka't sinasabi ng kasulatan tungkol kay Faraon, Dahil sa layong ito, ay itinaas kita, upang aking maihayag sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangala'y maitanyag sa buong lupa.
18 Kaya nga sa kaniyang ibig siya'y naaawa, at sa kaniyang ibig siya'y nagpapatigas.
19 Sasabihin mo nga sa akin, Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagka't sino ang sumasalangsang sa kaniyang kalooban?
20 Nguni't, Oh tao, sino kang tumututol sa Dios? Sasabihin baga ng bagay na ginawa doon sa gumawa sa kaniya, Bakit mo ako ginawang ganito?
21 O wala bagang kapangyarihan sa putik ang magpapalyok, upang gawin sa isa lamang limpak ang isang sisidlan sa ikapupuri, at ang isa'y sa ikahihiya.
22 Ano kung ang Dios ay inibig na ihayag ang kaniyang kagalitan, at ipakilala ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiis ng malaking pagpapahinuhod sa mga sisidlan ng galit na nangahahanda na sa pagkasira:
23 At upang maipakilala ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na kaniyang inihanda nang una pa sa kaluwalhatian,
24 Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?
25 Gaya naman ng sinasabi niya sa aklat ni Oseas, Tatawagin kong aking bayan na hindi ko dating bayan; At iniibig, na hindi dating iniibig.
26 At mangyayari, na sa dakong pinagsabihan sa kanila, kayo'y hindi ko bayan, Ay diyan sila tatawaging mga anak ng Dios na buhay.
27 At si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, Kung ang bilang man ng mga anak ng Israel ay maging tulad sa buhangin sa dagat, ay ang nalalabi lamang ang maliligtas:
28 Sapagka't isasagawa ng Panginoon ang kaniyang salita sa lupa, na tatapusin at paiikliin.
29 At gaya ng sinabi nang una ni Isaias, Kung hindi nagiwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo, Tayo'y naging katulad sana ng Sodoma, at naging gaya ng Gomorra.
30 Ano nga ang ating sasabihin? Na ang mga Gentil, na hindi nangagsisisunod sa katuwiran, ay nagkamit ng katuwiran, sa makatuwid baga'y ng katuwiran sa pananampalataya:
31 Datapuwa't ang Israel sa pagsunod sa kautusan ng katuwiran, ay hindi umabot sa kautusang iyan.
32 Bakit? Sapagka't hindi nila hinanap sa pamamagitan ng pananampalataya, kundi ng ayon sa mga gawa. Sila'y nangatisod sa batong katitisuran;
33 Gaya ng nasusulat, Narito, inilalagay ko sa Sion ang isang batong katitisuran, at batong pangbuwal: At ang sumasampalataya sa kaniya'y hindi mapapahiya.