1 Ang mga ito nga ang nagsiparoon kay David sa Siclag, samantalang siya'y nagkukubli pa dahil kay Saul na anak ni Cis: at sila'y nasa mga makapangyarihang lalake, na kaniyang mga katulong sa pakikipagdigma.
2 Sila'y nasasakbatan ng mga busog, at kanilang ginagamit kapuwa ang kanang kamay at kaliwa sa pagpapahilagpos ng mga bato, at sa pagpapahilagpos ng mga pana mula sa busog; sila'y sa mga kapatid ni Saul sa Benjamin.
3 Ang pinuno ay si Ahiezer, saka si Joas, na mga anak ni Semaa na Gabaathita; at si Jeziel, at si Pheleth, na mga anak ni Azmaveth; at si Beraca, at si Jehu na Anathothita;
4 At si Ismaias na Gabaonita, na makapangyarihang lalake sa tatlongpu, at pinuno ng tatlongpu; at si Jeremias, at si Jahaziel, at si Joanan, at si Jozabad na Gederathita;
5 Si Eluzai, at si Jeremoth, at si Bealias, at si Semarias, at si Sephatias na Haruphita;
6 Si Elcana, at si Isias, at si Azareel, at si Joezer, at si Jasobam, na mga Corita:
7 At si Joela, at si Zebadias, na mga anak ni Jeroham na taga Gedor.
8 At sa mga Gadita ay nagsihiwalay na nagsilakip kay David sa katibayan sa ilang, ang mga makapangyarihang lalaking may tapang, na mga lalaking bihasa sa pakikidigma, na makahahawak ng kalasag at sibat; na ang mga mukha nila ay gaya ng mga mukha ng mga leon, at sila'y maliliksing gaya ng mga usa sa mga bundok;
9 Si Eser ang pinuno, si Obadias ang ikalawa, si Eliab ang ikatlo;
10 Si Mismana ang ikaapat, si Jeremias ang ikalima;
11 Si Attai ang ikaanim, si Eliel ang ikapito;
12 Si Johanan ang ikawalo, si Elzabad ang ikasiyam;
13 Si Jeremias ang ikasangpu, si Machbani ang ikalabingisa.
14 Ang mga ito sa mga anak ni Gad ay mga pinunong kawal ng hukbo; ang pinakamaliit ay katimbang ng isang daan, at ang pinakamalaki ay ng isang libo.
15 Ang mga ito ang nagsitawid sa Jordan sa unang buwan, nang apawan ang lahat niyang mga pangpang; at kanilang pinatakas ang lahat na sa mga libis, ang sa dakong silanganan, at gayon din ang sa dakong kalunuran.
16 At nagsiparoon ang ilan sa mga anak ni Benjamin at ni Juda sa katibayan kay David.
17 At si David ay lumabas na sinalubong sila, at sumagot at nagsabi sa kanila, Kung kayo'y nagsisiparitong payapa sa akin upang tulungan ako, ang aking puso ay malalakip sa inyo: nguni't kung upang pagliluhan ako sa aking mga kaaway, dangang walang kasamaan sa aking mga kamay, masdan ng Dios ng ating mga magulang, at sawayin.
18 Nang magkagayo'y ang Espiritu ay dumating kay Amasai, na siyang pinuno ng tatlongpu, at sinabi niya, Iyo kami, David, at para sa iyo, ikaw anak ni Isai: kapayapaan, kapayapaan ang sumaiyo, at kapayapaan ang sumaiyong mga katulong; sapagka't tinutulungan ka ng iyong Dios. Nang magkagayo'y tinanggap ni David sila, at ginawa silang mga pinunong kawal ng pulutong.
19 Sa Manases naman ay nagsihilig ang ilan kay David, nang siya'y pumaroong kasama ng mga Filisteo laban kay Saul upang bumaka: nguni't hindi nila tinulungan sila: sapagka't pinapagpaalam siya ng mga panginoon ng mga Filisteo sa payo na sinasabi, Siya'y mahihilig sa kaniyang panginoong kay Saul sa pamumuhunan ng ating mga ulo.
20 Sa pagparoon niya sa Siclag, ay nagsihilig sa kaniya mula sa Manases, si Adnas, at si Jozabad, at si Jediaiel, at si Michael, at si Jozabad at si Eliu, at si Sillethai, na mga pinunong kawal ng mga lilibuhin na nasa Manases.
21 At kanilang tinulungan si David laban sa pulutong ng mga magnanakaw: sapagka't silang lahat ay mga makapangyarihang lalake na may tapang, at mga pinunong kawal sa hukbo.
22 Sapagka't araw-araw ay may naparoon kay David upang tumulong sa kaniya, hanggang sa naging malaking hukbo, na gaya ng hukbo ng Dios.
23 At ito ang bilang ng mga ulo nila na mga may sandata na handa sa pakikidigma, na nagsiparoon kay David sa Hebron, upang ibalik ang kaharian ni Saul sa kaniya, ayon sa salita ng Panginoon.
24 Ang mga anak ni Juda na nagsisihawak ng kalasag at sibat ay anim na libo at walong daan, na may mga sandata sa pakikipagdigma.
25 Sa mga anak ni Simeon, na mga makapangyarihang lalake na may tapang na handa sa pakikipagdigma, pitong libo at isang daan.
26 Sa mga anak ni Levi ay apat na libo at anim na raan.
27 At si Joiada ang tagapamatnugot ng sangbahayan ni Aaron, at kasama niya'y tatlong libo at pitong daan;
28 At si Sadoc, na isang binatang makapangyarihan na may tapang, at sa sangbahayan ng kaniyang magulang ay dalawang pu at dalawang pinunong kawal.
29 At sa mga anak ni Benjamin, na mga kapatid ni Saul, tatlong libo: sapagka't ang kalakhang bahagi sa kanila ay nagsisipagingat ng kanilang pakikipagkasundo sa sangbahayan ni Saul.
30 At sa mga anak ni Ephraim, dalawang pung libo at walong daan, na mga makapangyarihang lalaking may tapang, mga bantog na lalake sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.
31 At sa kalahating lipi ng Manases ay labing walong libo, na mga nasaysay sa pamamagitan ng pangalan, upang magsiparoon at gawing hari si David.
32 At sa mga anak ni Issachar, na mga lalaking maalam ng mga panahon, upang matalastas kung ano ang marapat gawin ng Israel; ang mga pinuno sa kanila ay dalawang daan; at ang lahat nilang kapatid ay nasa kanilang utos.
33 Sa Zabulon, yaong mga makalalabas sa hukbo, na makahahanay sa pagbabaka na may sarisaring kasangkapang pangdigma, ay limangpung libo; at makapagaayos sa hanay sa pagbabaka, at hindi nagaalinlangan ang loob.
34 At sa Nephtali ay isang libong pinunong kawal, at may kasama silang mga may kalasag at sibat na tatlong pu't pitong libo.
35 At sa mga Danita na makahahanay sa pagbabaka ay dalawangpu't walong libo at anim na raan.
36 At sa Aser, yaong mga makalalabas sa hukbo, na makahahanay sa pagbabaka, apat na pung libo.
37 At sa kabilang dako ng Jordan, sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases, na may sarisaring kasangkapang pangdigma sa pakikipagbaka, isang daan at dalawangpung libo.
38 Lahat ng mga ito na mga lalaking mangdidigma na makahahanay sa pagbabaka, ay nagsiparoong may sakdal na puso sa Hebron, upang gawing hari si David sa buong Israel: at ang lahat na nangalabi sa Israel ay nagkaisang loob din naman upang gawing hari si David.
39 At sila'y dumoong kasama ni David na tatlong araw, na kumain at uminom: sapagka't ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid.
40 Bukod dito'y silang malapit sa kaniya, sa makatuwid baga'y hanggang sa Issachar, at Zabulon at Nephtali, ay nagsipagdala ng tinapay na nasa ibabaw ng mga asno, at ng mga kamelyo, at ng mga mula, at ng mga baka, mga pagkaing harina, at mga binilong igos, at mga buwig ng pasas, at alak, at langis, at mga baka, at mga tupa na sagana: sapagka't may kagalakan sa Israel.