1 Mga Cronica 29:16-22 TLAB

16 Oh Panginoon naming Dios, lahat ng bagay na ito na aming inihanda upang ipagtayo ka ng bahay na ukol sa iyong banal na pangalan ay nangagmumula sa iyong kamay, at iyong sariling lahat.

17 Talastas ko rin, Dios ko na iyong sinusubok ang puso, at nalulugod sa katuwiran. Sa ganang akin, sa katuwiran ng aking puso ay aking inihandog na kusa ang lahat na bagay na ito: at ngayo'y nakita kong may kagalakan ang iyong bayan na nahaharap dito, na naghahandog na kusa sa iyo.

18 Oh Panginoon, na Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel na aming mga magulang, ingatan mo ito magpakailan man sa akala ng mga pagiisip ng puso ng iyong bayan, at ihanda mo ang kanilang puso sa iyo:

19 At bigyan mo naman si Salomon na aking anak ng sakdal na puso, upang ingatan ang iyong mga utos, ang iyong mga patotoo, at ang iyong mga palatuntunan, at upang gawin ang lahat na bagay na ito, at upang itayo ang templo, na siyang aking ipinaghanda.

20 At sinabi ni David sa buong kapisanan, Ngayo'y purihin ninyo ang Panginoon ninyong Dios. At ang buong kapisanan ay pumuri sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang, at iniyukod ang kanilang mga ulo, at sumamba sa Panginoon, at sa hari.

21 At sila'y nagsipaghain ng mga hain sa Panginoon, at nagsipaghandog sa Panginoon ng mga handog na susunugin sa kinabukasan, pagkatapos nang araw na yaon, sa makatuwid baga'y isang libong baka, at isang libong tupang lalake, at isang libong kordero, pati ng mga inuming handog na ukol sa mga yaon, at ng mga hain na sagana ukol sa buong Israel;

22 At nagkainan at naginuman sa harap ng Panginoon nang araw na yaon na may malaking kasayahan. At kanilang ginawang hari na ikalawa si Salomon na anak ni David, at pinahiran ng langis siya sa Panginoon upang maging pangulo, at si Sadoc upang maging saserdote.