1 Nang unang taon nga ni Ciro na hari sa Persia, upang ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias ay maganap, kinilos ng Panginoon ang diwa ni Ciro na hari sa Persia, na siya'y nagtanyag sa kaniyang buong kaharian, at isinulat din naman, na sinasabi,
2 Ganito ang sabi ni Ciro na hari sa Persia, Ibinigay sa akin ng Panginoon, ng Dios ng langit, ang lahat na kaharian sa lupa; at ibinilin niya sa akin na ipagtayo ko siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda.
3 Sinoman sa inyo sa kaniyang buong bayan, sumakaniya nawa ang kaniyang Dios, at umahon siya sa Jerusalem, na nasa Juda, at itayo ang bahay ng Panginoon, ng Dios ng Israel, (siya'y Dios,) na nasa Jerusalem.
4 At sinomang naiwan sa alinmang dako na kaniyang pinakikipamayanan, tulungan siya ng mga lalake sa kaniyang kinaroroonan ng pilak, at ng ginto, at ng mga pag-aari, at ng mga hayop, bukod sa kusang handog sa bahay ng Dios na nasa Jerusalem.