1 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, sa paghahari ni Artajerjes na hari sa Persia, si Ezra na anak ni Seraias, na anak ni Azarias, na anak ni Hilcias,
2 Na anak ni Sallum, na anak ni Sadoc, na anak ni Achitob,
3 Na anak ni Amarias, na anak ni Azarias, na anak ni Meraioth,
4 Na anak ni Zeraias, na anak ni Uzzi, na anak ni Bucci,
5 Na anak ni Abisue, na anak ni Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, na pangulong saserdote:
6 Ang Ezra na ito ay yumaon mula sa Babilonia. At siya'y kalihim na bihasa sa kautusan ni Moises, na ibinigay ng Panginoon, ng Dios ng Israel: at tinulutan siya ng hari sa lahat niyang kahilingan, ayon sa kamay ng Panginoon niyang Dios na sumasa kaniya.
7 At nakiahon sa Jerusalem ang ilan sa mga anak ni Israel, at sa mga saserdote, at sa mga Levita, at sa mga mangaawit, at sa mga tagatanod-pinto, at sa mga Nethineo, sa ikapitong taon ni Artajerjes na hari.
8 At siya'y naparoon sa Jerusalem sa ikalimang buwan, na sa ikapitong taon ng hari.
9 Sapagka't sa unang araw ng unang buwan ay nagpasimula siyang umahon mula sa Babilonia, at sa unang araw ng ikalimang buwan ay dumating siya sa Jerusalem, ayon sa mabuting kamay ng kaniyang Dios na sumasa kaniya.
10 Sapagka't inilagak ni Ezra ang kaniyang puso na hanapin ang kautusan ng Panginoon, at upang gawin, at upang magturo sa Israel ng mga palatuntunan at mga kahatulan.
11 Ito nga ang salin ng sulat na ibinigay ng haring Artajerjes kay Ezra na saserdote, na kalihim, na kalihim sa mga salita ng mga utos ng Panginoon, at ng kaniyang mga palatuntunan sa Israel.
12 Si Artajerjes, na hari ng mga hari, kay Ezra na saserdote, na kalihim sa kautusan ng Dios ng langit, na sakdal at iba pa.
13 Ako'y gumagawa ng pasiya, na silang lahat na sa bayan ng Israel, at ang kanilang mga saserdote at ang mga Levita, sa aking kaharian, na nagakala ng kanilang sariling kusang kalooban na nagsiparoon sa Jerusalem, ay magsisama sa iyo.
14 Yamang ikaw ay sinugo sa ganang hari at ng kaniyang pitong kasangguni, upang magusisa tungkol sa Juda at Jerusalem, ayon sa kautusan ng iyong Dios na nasa iyong kamay;
15 At dalhin ang pilak at ginto na inihandog na kusa ng hari at ng kaniyang mga kasangguni sa Dios ng Israel, na ang tahanan ay nasa Jerusalem.
16 At ang lahat na pilak at ginto na iyong masusumpungan sa buong lalawigan ng Babilonia, pati ng kusang handog ng bayan, at ng mga saserdote, na mga naghahandog na kusa sa bahay ng kanilang Dios na nasa Jerusalem;
17 Kaya't ibibili mo ng buong sikap ang salaping ito ng mga toro, mga lalaking tupa, mga kordero, pati ng mga handog na harina at ng mga handog na inumin ng mga yaon, at iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana ng bahay ng inyong Dios na nasa Jerusalem.
18 At anomang akalain mong mabuti at ng iyong mga kapatid na gawin sa labis sa pilak at ginto, gawin ninyo ayon sa kalooban ng inyong Dios.
19 At ang mga sisidlang nabigay sa iyo na ukol sa paglilingkod sa bahay ng iyong Dios, ibigay mo sa harap ng Dios sa Jerusalem.
20 At anomang kakailanganin pa sa bahay ng iyong Dios, na ipagkakailangan mong ibigay, ibigay mo na mula sa bahay ng kayamanan ng hari.
21 At ako, akong si Artajerjes na hari, nagpasiya sa lahat na mga tagaingat-yaman na nasa dako roon ng Ilog, na anomang hingin sa inyo ni Ezra na saserdote, na kalihim sa kautusan ng Dios ng langit, ibigay ng buong sikap,
22 Hanggang isang daang talentong pilak, at hanggang isang daang takal ng trigo, at isang daang bath ng alak at isang daang bath ng langis, at asin na walang tasa.
23 Anomang iniutos ng Dios ng langit, gawing lubos sa bahay ng Dios ng langit; sapagka't bakit magkakaroon ng poot ng Dios laban sa kaharian ng hari at ng kaniyang mga anak?
24 Pinatototohanan din naman namin sa inyo, na tungkol sa sinoman sa mga saserdote at mga Levita, mga mangaawit, mga tagatanod-pinto, mga Nethineo, o mga lingkod sa bahay na ito ng Dios, ay hindi marapat na lapatan sila ng buwis, kabayaran, o upa.
25 At ikaw, Ezra, ayon sa karunungan ng iyong Dios na nasa iyong kamay, maghalal ka ng mga magistrado, at mga hukom, na makakahatol sa buong bayan na nasa dako roon ng Ilog, niyaong lahat na nakatatalos ng mga kautusan ng iyong Dios; at turuan ninyo yaong hindi nakakaalam.
26 At sinomang hindi tumupad ng kautusan ng iyong Dios, at ng kautusan ng hari, gawin sa kaniya ang kahatulan ng buong sikap, maging sa kamatayan, o sa pagtatapon o sa pagsamsam ng mga pag-aari, o sa pagkabilanggo.
27 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng ating mga magulang, na naglagak ng ganyang mga bagay na gaya nito sa puso ng hari, na pagandahin ang bahay ng Panginoon na nasa Jerusalem:
28 At nagdulot sa akin ng kahabagan sa harap ng hari, at ng kaniyang mga kasangguni, at sa harap ng lahat na may kayang prinsipe ng hari. At ako'y tumibay ayon sa kamay ng Panginoon kong Dios na sumasa akin, at ako'y nagpisan mula sa Israel ng mga pangulong lalake upang magsiahong kasama ko.