5 Nguni't ang mata ng kanilang Dios ay nakatingin sa mga matanda ng mga Judio, at hindi nila pinatigil, hanggang sa ang bagay ay dumating kay Dario, at nang magkagayo'y ang sagot ay nabalik sa pamamagitan ng sulat tungkol doon.
6 Ang salin ng sulat na ipinadala ni Tatnai, na tagapamahala sa dako roon ng Ilog at ni Sethar-boznai, at ng kaniyang mga kasama na mga Apharsachita, na nangasa dako roon ng Ilog, kay Dario na hari:
7 Sila'y nangagpadala ng isang sulat sa kaniya, na kinasusulatan ng ganito: Kay Dario na hari, buong kapayapaan.
8 Talastasin ng hari, na kami ay nagsiparoon sa lalawigan ng Juda, sa bahay ng dakilang Dios, na natayo ng mga malaking bato, at mga kahoy ay nalapat sa mga kuta; at ang gawaing ito ay pinagsisikapan at nayayari sa kanilang mga kamay.
9 Nang magkagayo'y tumanong kami sa mga matandang yaon, at nagsabi sa kanila ng ganito: Sino ang nagbigay sa inyo ng pasiya upang itayo ang bahay na ito at upang yariin ang kutang ito?
10 Aming itinanong naman sa kanila ang kanilang mga pangalan, na patotohanan sa iyo, upang aming maisulat ang mga pangalan ng mga tao na nangungulo sa kanila.
11 At ganito sila nangagbalik ng sagot sa amin, na nangagsasabi, Kami ay mga lingkod ng Dios ng langit at lupa, at nangagtatayo ng bahay na natayo nitong malaong panahon, na itinayo at niyari ng isang dakilang hari sa Israel.