Ezra 9:1-7 TLAB

1 Nang magawa nga ang mga bagay na ito, ang mga prinsipe ay nagsilapit sa akin, na nangagsasabi: Ang bayan ng Israel, at ang mga saserdote, at ang mga Levita, ay hindi nagsihiwalay sa mga bayan ng mga lupain, na nagsisigawa ng ayon sa kanilang mga karumaldumal, sa makatuwid baga'y ang mga Cananeo, ang mga Hetheo, ang mga Pherezeo, ang mga Jebuseo, ang mga Ammonita, ang mga Moabita, ang mga taga Egipto, at ang mga Amorrheo.

2 Sapagka't kinuha nila ang kanilang mga anak na babae sa ganang kanilang sarili, at sa kanilang mga anak na lalake, na anopa't ang banal na binhi ay nahalo nga sa bayan ng mga lupain: oo, ang kamay ng mga prinsipe at ng mga pinuno ay naging puno sa pagsalangsang na ito.

3 At nang mabalitaan ko ang bagay na ito, aking hinapak ang aking suot at ang aking balabal, at binaltak ko ang buhok ng aking ulo at ng aking baba, at ako'y naupong natitigilan.

4 Nang magkagayo'y nagpipisan sa akin ang lahat na nanginginig sa mga salita ng Dios ng Israel, dahil sa pagsalangsang nila na sa pagkabihag; at ako'y naupong natitigilan hanggang sa pagaalay sa hapon.

5 At sa pagaalay sa kinahapunan ay bumangon ako sa aking pagpapakumbaba, na hapak ang aking suot at ang aking balabal; at ako'y lumuhod ng aking mga tuhod, at iniunat ko ang aking mga kamay sa Panginoon kong Dios;

6 At aking sinabi, Oh aking Dios; ako'y napahiya at namula na itaas ang aking mukha sa iyo, na aking Dios: sapagka't ang aming mga kasamaan ay nagsilala sa aming ulo, at ang aming sala ay umabot hanggang sa langit.

7 Mula ng mga kaarawan ng aming mga magulang ay naging totoong salarin kami hanggang sa araw na ito; at dahil sa aming mga kasamaan, kami, ang aming mga hari, at ang aming mga saserdote ay nangabigay sa kamay ng mga hari ng mga lupain, sa tabak, sa pagkabihag, sa pagkasamsam, at sa kahihiyan ng mukha, gaya sa araw na ito.