1 Ipagpaumanhin ninyo kung ngayon ay magsalita ako na parang hangal.
2 Makadios na pagseselos kasi ang nararamdaman ko para sa inyo. Sapagkat tulad kayo ng isang dalagang birhen na ipinangako kong ipapakasal sa isang lalaki, si Cristo.
3 Pero nag-aalala ako na baka malinlang kayo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas, at mawala ang inyong taos-pusong hangaring sumunod kay Cristo.
4 Sapagkat madali kayong napapaniwala ng kahit sinong dumarating diyan na nangangaral ng ibang Jesus kaysa sa aming ipinangaral sa inyo. At tinatanggap din ninyo ang ibang uri ng espiritu at ang kanilang sinasabing magandang balita na iba kaysa sa inyong tinanggap sa amin.
5 Sa tingin ko, hindi naman ako huli sa mga nagsasabi riyan na magagaling daw sila na mga apostol.
6 Maaaring hindi ako magaling magsalita pero sapat naman ang karunungan ko sa katotohanan. At iyan ay naipakita namin sa inyo sa lahat ng aming pagtuturo.
7 Hindi ako humingi ng bayad nang ipangaral ko sa inyo ang Magandang Balita mula sa Dios, kundi nagtrabaho ako para matulungan ko kayo sa inyong buhay espiritwal. Masama ba ang ginawa kong ito?
8 Tumanggap ako ng tulong mula sa ibang iglesya noong akoʼy naglilingkod sa inyo. Parang ninakawan ko sila, matulungan lamang kayo.
9 At noong kinapos ako sa aking mga pangangailangan habang kasama ninyo, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo. Ang ating mga kapatid na dumating mula sa Macedonia ang nagbigay ng aking mga pangangailangan. Iniwasan kong maging pabigat sa inyo at iyan ang palagi kong gagawin.
10 Hindi ako titigil sa pagmamalaki sa lahat ng lugar sa Acaya na hindi ako naging pabigat sa inyo. Totoo ang sinasabi kong ito dahil nasa akin si Cristo.
11 Pero baka isipin ninyo na kaya hindi ako humihingi ng tulong sa inyo ay dahil sa hindi ko na kayo mahal. Hindi totoo iyan. Alam ng Dios na mahal na mahal ko kayo!
12 Pero patuloy kong paninindigan ang sinasabi ko ngayon na hindi ako hihingi ng tulong sa inyo, para hindi masabi ng mga nagpapakaapostol na silaʼy katulad namin kung maglingkod.
13 Sapagkat ang mga taong iyan ay hindi naman mga tunay na apostol, kundi mga manlilinlang at nagpapanggap lang na mga apostol ni Cristo.
14 At hindi naman iyan nakapagtataka, dahil maging si Satanas ay nagkukunwaring anghel ng Dios na nagbibigay-liwanag.
15 Kaya hindi rin nakapagtataka na ang kanyang mga alagad ay magkunwari ding mga alagad ng katuwiran. Pero darating ang araw na parurusahan sila sa lahat ng kanilang mga ginagawa.
16 Inuulit ko, huwag ninyong isipin na isa akong hangal. Pero kung ganyan ang tingin ninyo sa akin, hindi na bale, basta hayaan ninyo akong magmalaki nang kahit kaunti.
17 Kung sa bagay, kung ipagmamalaki ko ang aking sarili, hindi ito galing sa Panginoon, at para akong hangal.
18 Pero dahil sa marami riyan ang nagmamalaki tulad ng mga taong makamundo, magmamalaki rin ako.
19 Sinasabi ninyong matatalino kayo, pero hinahayaan lamang ninyong diktahan kayo ng mga hangal.
20 Sa katunayan, hinahayaan lang ninyo na alipinin kayo, agawan ng mga ari-arian, pagsamantalahan, pagmataasan, at hamakin.
21 Nakakahiya mang aminin na mahihina kami, pero hindi namin kayang gawin ang mga iyan!Kung may magmamalaki riyan, magmamalaki rin ako, kahit na magmukha akong hangal sa sinasabi ko.
22 Ipinagmamalaki ba nilang silaʼy mga Judio, mga Israelita, at kabilang sa lahi ni Abraham? Ako rin!
23 Sila baʼy mga lingkod ni Cristo? Alam kong para na akong baliw sa sinasabi ko, pero ako rin ay lingkod ni Cristo, at higit pa nga kaysa sa kanila! Dahil higit akong nagpakahirap kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nakulong, nahagupit, at nalagay sa bingit ng kamatayan.
24 Limang beses akong tumanggap ng 39 na hagupit sa kapwa ko mga Judio.
25 Tatlong beses akong pinaghahampas ng mga sundalong Romano. Minsan na rin akong pinagbabato ng mga Judio. Tatlong beses kong naranasan na lumubog ang sinasakyang barko, at minsaʼy buong araw at gabi akong palutang-lutang sa dagat.
26 Sa aking paglalakbay sa ibaʼt ibang lugar, nalagay ako sa panganib: sa pagtawid sa mga ilog, sa mga tulisan, sa kapwa ko mga Judio, sa mga hindi Judio, sa mga lungsod, sa mga ilang, sa dagat, at sa mga taong nagpapanggap na mga kapatid kay Cristo.
27 Naranasan ko rin ang sobrang hirap at pagod, at kawalan ng tulog. Naranasan ko ang magutom, mauhaw, kadalasaʼy walang makain, at naranasan kong ginawin dahil sa kakulangan ng maisusuot.
28 Maliban sa iba pang mga karanasan na hindi ko nabanggit, inaalala ko pa araw-araw ang kalagayan ng lahat na iglesya.
29 Kung may nanghihina sa pananampalataya, nalulungkot ako. At kung may nagkakasala, naghihirap ang kalooban ko.
30 Kung kailangan kong magmalaki, ang ipagmamalaki ko ay ang aking mga kahinaan.
31 Hindi ako nagsisinungaling, at alam iyan ng Dios at Ama ng ating Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman!
32 Noong akoʼy nasa lungsod ng Damascus, pinabantayan ng gobernador na sakop ni Haring Aretas ang pintuan ng lungsod para dakpin ako.
33 Ngunit inilagay ako ng aking mga kasama sa isang kaing at ibinaba sa labas ng pader ng lungsod, kaya nakatakas ako.