1 Mula kay Simon Pedro na lingkod at apostol ni Jesu-Cristo. Mahal kong mga kapatid na kabahagi sa napakahalagang pananampalataya na tinanggap din namin. Ang pananampalatayang itoʼy ibinigay sa atin ni Jesu-Cristo na ating Dios at Tagapagligtas, dahil matuwid siya.
2 Sumainyo nawa ang higit pang biyaya at kapayapaan dahil sa pagkakakilala ninyo sa ating Dios at Panginoong Jesu-Cristo.
3 Ang kapangyarihan ng Dios ang nagbigay sa atin ng lahat ng kailangan natin para mamuhay nang may kabanalan. Itoʼy sa pamamagitan ng pagkakakilala natin sa kanya na tumawag sa atin. Tinawag niya tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan niya at kabutihan.
4 At sa pamamagitan din nito, ipinagkaloob niya sa atin ang mahahalaga at dakila niyang mga pangako. Ginawa niya ito para makabahagi tayo sa kabanalan ng Dios at matakasan ang mapanirang pagnanasa na umiiral sa mundong ito.
5 Dahil dito, pagsikapan ninyong maidagdag sa pananampalataya nʼyo ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman;
6 sa kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili, ang pagtitiis; sa pagtitiis, ang kabanalan;