1 Mga minamahal, pangalawang sulat ko na ito sa inyo. Sa mga sulat ko, sinikap kong gisingin ang kaisipan nʼyo sa kabutihan, sa pamamagitan ng pagpapaalala sa inyo ng ilang bagay.
2 Nais kong ipaalala sa inyo ang mga salita ng mga propeta ng Dios noong una at ang utos na ibinigay sa inyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo.
3 Una sa lahat, dapat ninyong maunawaan na sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak at susundin ang masasama nilang nasa.
4 Sasabihin nila, “Hindi baʼt nangako si Cristo na babalik siya? Nasaan na siya ngayon? Namatay na ang mga magulang namin pero wala pa ring pagbabago mula nang likhain ang mundo.”
5 Sinasadya nilang kalimutan ang katotohanan na nilikha ng Dios ang langit sa pamamagitan ng kanyang salita. At nilikha niya ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig.
6 At sa pamamagitan din ng tubig, bumaha sa mundo at nalipol ang lahat.
7 Sa pamamagitan din ng kanyang salita, itinakdang tupukin ng Dios sa apoy ang kasalukuyang langit at lupa sa Araw ng Paghuhukom at paglipol sa masasama.
8 Ngunit huwag sana ninyong kakalimutan mga minamahal, na sa Panginoon, walang pinagkaiba ang isang araw sa isang libong taon. Para sa kanya ang mga ito ay pareho lang.
9 Hindi nagpapabaya ang Panginoon sa pagtupad sa pangako niya, gaya ng inaakala ng ilan. Ang totoo, binibigyan lang niya ng pagkakataong magsisi ang lahat sa mga kasalanan nila, dahil ayaw niyang mapahamak ang sinuman.
10 Ang araw ng Panginoon ay darating na tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, biglang mawawala ang kalangitan na may nakakapangilabot na ugong. Masusunog ang lupa, at mawawala ang lahat ng nasa lupa.
11 Kung ganito ang magiging kahihinatnan ng lahat, dapat kayong mamuhay nang banal at makadios,
12 habang hinihintay nʼyo ang araw ng pagdating ng Dios at ginagawa ang makakayanan nʼyo para mapadali ang pagdating niya. Sa araw na ito, masusunog ang langit sa apoy at matutunaw ang lahat ng nasa lupa sa tindi ng init.
13 Ngunit ayon sa pangako niya, may maaasahan din tayong bagong langit at lupa na paghaharian ng katarungan.
14 Kaya nga, mga minamahal, habang inaasahan nʼyo ang bagay na ito, pagsikapan ninyong mamuhay nang mapayapa, malinis, at walang kapintasan sa paningin niya.
15 Alalahanin nʼyo na kaya hindi pa dumarating ang Panginoon ay para bigyan ng pagkakataong maligtas ang mga tao, gaya nga ng mga isinulat sa inyo ng mahal nating kapatid na si Pablo sa pamamagitan ng karunungang ibinigay sa kanya ng Panginoon.
16 At ito rin ang sinasabi niya sa lahat ng sulat niya. May ilang bahagi sa mga sulat niya na mahirap intindihin, na binibigyan ng maling kahulugan ng mga hangal at mahihina ang pananampalataya, gaya ng ginagawa nila sa ibang mga Kasulatan. Kaya sila mismo ang nagpapahamak sa sarili nila.
17 Mga minamahal, alam na ninyo ito kahit noon pa. Kaya mag-ingat kayo nang hindi kayo maloko sa pamamagitan ng mga maling aral ng mga taong suwail, at mawalay sa mabuti ninyong kalagayan sa Dios.
18 Sa halip, lumago kayo sa biyaya ng Dios at sa pagkakakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Purihin siya ngayon at magpakailanman! Amen.