1 Tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon natin sa kanya, hinihiling namin, mga kapatid,
2 na huwag kayong mag-alala o mabahala dahil sa mga taong nagsasabing bumalik na ang Panginoon. Huwag kayong maniwala kahit sabihin pa nilang sinabi ito ng Espiritu sa kanila, nabalitaan, o nabasa man sa isang sulat na galing daw sa amin.
3 Huwag kayong magpadaya sa kanila sa anumang paraan. Sapagkat hindi darating ang araw ng pagbabalik ng Panginoon hanggaʼt hindi pa nagsisimula ang huling paghihimagsik ng mga tao sa Dios, at hindi pa dumarating ang masamang tao na itinalaga sa walang hanggang kaparusahan.
4 Kakalabanin niya ang lahat ng sinasamba at itinuturing na dios ng mga tao, at itataas ang sarili sa lahat ng mga ito. Uupo siya sa loob ng templo ng Dios at itatanghal ang sarili bilang Dios.
5 Hindi baʼt sinabi ko na ang mga bagay na ito nang kasama nʼyo pa ako riyan?
6 Alam nʼyo kung ano ang pumipigil sa pagpapakita niya. Ngunit sa takdang panahon, magpapakita siya.
7 Kahit ngayon, palihim nang kumikilos ang kasamaan ng taong ito, at mananatiling palihim hanggaʼt hindi pa inaalis ang pumipigil sa pagpapakita niya.
8 Ihahayag siya kapag inalis na ang pumipigil. Ngunit sa pagdating ng Panginoong Jesu-Cristo, papatayin niya ang masamang taong ito sa pamamagitan lang ng isang ihip niya.
9 Ihahayag ang taong masama na taglay ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng nakalilinlang na himala, kababalaghan, at kamangha-manghang bagay.
10 Gagamitin niya ang lahat ng uri ng pandaraya sa mga taong mapapahamak. Mapapahamak sila dahil ayaw nilang pahalagahan ang katotohanang makakapagligtas sana sa kanila.
11 Kaya pababayaan na lang sila ng Dios sa matinding pagkalinlang para maniwala sila sa kasinungalingan,
12 nang sa ganoon, maparusahan ang lahat ng ayaw maniwala sa katotohanan at nagpakaligaya sa kasamaan.
13 Mga kapatid, lagi kaming nagpapasalamat sa Dios dahil sa inyo na mga minamahal ng Panginoon. At nararapat lang kaming magpasalamat, dahil noong una pa man ay pinili na kayong maligtas ng Dios sa pamamagitan ng Espiritung nagpapabanal sa inyo, at sa pamamagitan ng pananampalataya nʼyo sa katotohanan.
14 Tinawag kayo ng Dios sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo para makabahagi kayo sa kadakilaan ng Panginoong Jesu-Cristo.
15 Kaya nga, mga kapatid, manatili kayong matatag at panghawakan nʼyo ang mga itinuro namin sa inyo, maging sa salita o sa sulat.
16-17 Aliwin at palakasin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo at ng Dios na ating Ama. Mahal tayo ng Dios at siya ang nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at kalakasan, at matibay na pag-asa dahil sa biyaya niya. At nawaʼy bigyan din niya kayo ng lakas ng loob na maipahayag at maisagawa ang lahat ng mabuti.