1 Ngayon, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi ako magsasawang sabihin ito nang paulit-ulit dahil para ito sa kabutihan ninyo.
2 Mag-ingat kayo sa mga Judio na namimilit na tuliin ang mga hindi Judio. Mga asal-hayop sila at gumagawa ng masama.
3 Ngunit tayo ang totoong tuli, dahil sumasamba tayo sa Dios sa tulong ng Banal na Espiritu, at ipinagmamalaki ang ginawa ni Cristo Jesus. Hindi tayo nagtitiwala sa mga panlabas na seremonya o panuntunan para maligtas tayo.
4 Kung sabagay, mayroon akong maipagmamalaki kung ang pagsunod sa mga seremonya ang pag-uusapan. Kung iniisip ninuman na may katuwiran siyang magmalaki sa mga bagay na ito, lalo na ako.
5 Sapagkat noong walong araw pa lamang ako ay tinuli na ako. Isa akong Israelita na mula sa lahi ni Benjamin. Kaya kung pagiging tunay na Judio ang pag-uusapan, talagang tunay akong Judio. At kung pagsunod sa Kautusan ng mga Judio naman ang pag-uusapan, talagang sinusunod ko ito dahil Pariseo ako.
6 Kung tungkol naman sa sigasig ng pagsunod ko sa relihiyon ng mga Judio, inusig ko ang iglesya. Walang maipipintas sa akin pagdating sa pagsunod sa Kautusan.
7 Pinapahalagahan ko noon ang lahat ng ito, pero ngayon itinuturing ko na itong walang halaga dahil kay Cristo.
8 At hindi lang iyan, para sa akin, ang lahat ng bagay ay walang halaga kung ihahambing sa pagkakakilala ko kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Itinuring ko na parang basura ang lahat ng bagay makamtan lang si Cristo,
9 at ako namaʼy maging kanya. Hindi na ako nagtitiwala na akoʼy magiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan kundi sa pananampalataya kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ay kaloob sa akin ng Dios nang sumampalataya ako kay Cristo.
10 Nais ko ngayon na higit pang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng muli niyang pagkabuhay, makabahagi sa mga paghihirap niya at matulad sa kanya, sa kamatayan niya.
11 Sa ganoon, mabubuhay akong muli. Harinawa.
12 Hindi ko sinasabing nakamtan ko na ang lahat, o kayaʼy naging ganap na ako. Sa halip, patuloy akong nagsusumikap para makamtan iyon, dahil ito ang layunin ni Cristo Jesus nang tawagin niya ako.
13 Mga kapatid, hindi ko sinasabing naabot ko na ang ganap na buhay. Ngunit ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at pinagsisikapan kong makamtan ang nasa hinaharap.
14 Tulad ng isang manlalaro, nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala na walang iba kundi ang pagtawag sa akin ng Dios na makapamuhay sa langit sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
15 Tayong malalago sa pananampalataya ay magkaroon sana ng ganitong kaisipan. Pero kung hindi ganito ang pag-iisip nʼyo, ipapaunawa ito sa inyo ng Dios.
16 Ang mahalaga ay patuloy nating sinusunod ang mga katotohanang natutunan na natin.
17 Mga kapatid, tularan nʼyo ako, at tularan din ninyo ang iba pang namumuhay nang tulad namin.
18 Sapagkat maraming namumuhay na salungat sa aral tungkol sa kamatayan ni Cristo sa krus. Ilang ulit ko nang sinabi sa inyo ang tungkol sa kanila, at naluluha akong ipaalala ulit ito sa inyo ngayon.
19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila dahil dinidios nila ang kanilang tiyan. Ipinagmamalaki pa nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga makamundong bagay.
20 Ngunit para sa atin, ang langit ang tunay nating bayan. At mula roon, hinihintay natin nang may pananabik ang pagbabalik ng Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo.
21 Sa pagdating niya, babaguhin niya ang mahihina at namamatay nating katawang lupa at gagawing tulad ng maluwalhati niyang katawan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang sumasakop sa lahat ng bagay.