1 Pagkatapos ng 14 na taon, pumunta ulit ako sa Jerusalem. Kasama ko sina Bernabe at Tito.
2 Bumalik ako dahil nangusap sa akin ang Dios na dapat akong pumunta roon. Nakipagkita ako nang sarilinan sa mga pinuno ng iglesya, at ipinaliwanag ko sa kanila ang Magandang Balita na ipinangangaral ko sa mga hindi Judio. Ginawa ko ito para masiguro ko na hindi masasayang ang mga pinagpaguran ko noon hanggang ngayon.
3 Nalaman kong sang-ayon sila sa ipinangangaral ko dahil hindi nila pinilit na magpatuli ang kasama kong si Tito kahit na hindi siya Judio.
4 Lumabas ang usapin tungkol sa pagtutuli dahil sa ilang mga nagpapanggap na mga kapatid na nakisalamuha sa atin para sirain ang kalayaang natamo natin kay Cristo Jesus, at gawin ulit tayong alipin ng Kautusan ni Moises.
5 Ngunit kahit minsan, hindi kami sumang-ayon sa gusto nila, upang maingatan namin para sa inyo ang mga katotohanang itinuturo ng Magandang Balita.
6 Ang mga namumuno sa mga mananampalataya sa Jerusalem ay wala namang idinagdag sa mga itinuturo ko. (Kung sabagay hindi mahalaga sa akin kung sinuman sila, dahil walang itinatangi ang Dios.)
7 Sa halip na dagdagan nila ang mga itinuturo ko, kinilala nilang pinagkatiwalaan ako ng Dios sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga hindi Judio, tulad ni Pedro na pinagkatiwalaan sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga Judio.