1 Ito ang ibig kong sabihin: Habang bata pa ang tagapagmana, wala siyang ipinagkaiba sa mga alipin kahit kanya ang lahat ng ari-arian.
2 Itinatagubilin siya sa mga taong nag-aalaga sa kanya at namamahala ng mga ari-arian niya hanggang sa araw na itinakda ng kanyang ama.
3 Ganoon din naman ang kalagayan natin bago dumating si Cristo – inalipin tayo ng mga panuntunan ng mundong ito.
4 Ngunit nang dumating na ang takdang panahon, isinugo ng Dios ang kanyang Anak sa mundo. Ipinanganak siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan
5 para palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan, nang sa ganoon ay maging anak tayo ng Dios.
6 At dahil mga anak na tayo ngayon ng Dios, isinugo ng Dios ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating puso, kaya makakatawag na tayo sa kanya ng “Ama.”
7 Ngayon, hindi na tayo mga alipin kundi mga anak. At kung mga anak tayo ng Dios, tagapagmana rin tayo ng mga pangako niya.
8 Noong hindi nʼyo pa kilala ang Dios, naging alipin kayo ng mga dios-diosan.
9 Ngunit ngayong kilala nʼyo na ang Dios (o mas mabuting sabihin na kinilala kayo ng Dios bilang mga anak) bakit bumabalik pa kayo sa walang bisa at mga walang kwentang panuntunan? Bakit gusto ninyong magpaaliping muli sa mga ito?
10 May pinapahalagahan pa kayong mga araw, buwan, panahon at mga taon!
11 Nag-aalala ako na baka nasayang lang ang lahat ng pagsisikap ko sa inyo.
12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, na tularan ninyo ako, dahil kahit isa akong Judio, tinalikuran ko ang pagsunod sa Kautusan ng mga Judio at naging katulad ninyong hindi Judio.Wala kayong kasalanan sa akin.
13 Alam naman ninyo na ang pagkakasakit ko ang naging dahilan kaya ko naipangaral sa inyo ang Magandang Balita sa unang pagkakataon.
14 Kahit naging pagsubok sa inyo ang sakit ko, hindi nʼyo ako hinamak o itinakwil. Sa halip, tinanggap nʼyo pa nga ako na parang isang anghel ng Dios o parang ako na mismo si Jesu-Cristo.
15 Napakasaya natin noon. Ano ang nangyari? Ako mismo ang makakapagpatunay na kung maaari lang noon ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata para ibigay sa akin.
16 Naging kaaway na ba ninyo ako dahil sinasabi ko ang katotohanan?
17 May mga tao riyan na nagpapakita ng pagmamalasakit sa inyo, pero hindi mabuti ang hangarin nila. Gusto lang nila akong siraan, para sila ang sundin ninyo.
18 Hindi masamang magpakita sila ng pagmamalasakit kahit wala ako sa piling nʼyo, bastaʼt mabuti lang ang hangarin nila.
19 Minamahal kong mga anak, hanggaʼt hindi nakikita sa inyo ang buhay ni Cristo, maghihirap akong parang isang babaeng nanganganak.
20 Kung maaari lang sana, makapunta na ako riyan at makausap kayo nang maayos dahil nag-aalala ako ng labis sa inyo!
21 Ngayon, sabihin nga ninyo sa akin, kayong mga nais magpailalim sa Kautusan, hindi ba ninyo alam ang sinasabi sa Kautusan?
22 Sinasabi roon na may dalawang anak si Abraham. Ang isaʼy anak niya sa kanyang alipin na si Hagar, at ang isa naman ay anak niya sa asawa niya na si Sara.
23 Ang kanyang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak. Ngunit ang anak niya sa kanyang asawa ay ipinanganak ayon sa pangako ng Dios.
24 Maaari nating tingnan ang dalawang babaeng ito bilang isang paghahalintulad. Kumakatawan sila sa dalawang kasunduan. Si Hagar ay kumakatawan sa kasunduan na ibinigay ng Dios kay Moises sa Bundok ng Sinai. Ipinanganak na mga alipin ang mga anak niya.
25 Si Hagar, na kumakatawan sa Bundok ng Sinai sa Arabia ay kumakatawan din sa kasalukuyang Jerusalem. Sapagkat ang mga tao sa Jerusalem ay naging alipin ng Kautusan.
26 Ngunit ang asawang si Sara ay hindi alipin, at siya ang kumakatawan sa Jerusalem na nasa langit, at siya ang ating ina dahil hindi tayo alipin ng Kautusan.
27 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan:“Matuwa ka, baog na babae, ikaw na hindi pa nagkakaanak!Humiyaw ka sa kagalakan, ikaw na hindi pa nakakaranas ng sakit sa panganganak.Sapagkat kahit iniwan ka ng asawa mo,mas marami ang magiging anak mo kaysa sa babaeng kapiling ang kanyang asawa.”
28 Mga kapatid, mga anak kayo ng Dios ayon sa pangako niya, tulad ni Isaac na ipinanganak ayon sa pangako ng Dios.
29 Noong una, si Isaac na ipinanganak ayon sa Espiritu ay inusig ni Ishmael na ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak. Ganoon din ang nangyayari ngayon; inuusig tayo ng mga taong nais magpaalipin sa Kautusan.
30 Pero ano ba ang sinasabi sa Kasulatan? “Palayasin mo ang babaeng alipin at ang anak niya, dahil ang anak ng babaeng alipin ay hindi maaaring makibahagi sa mamanahin ng anak ng babaeng hindi alipin.”
31 Kaya nga mga kapatid, hindi tayo anak ng babaeng alipin, kundi anak ng babaeng hindi alipin.